Ang terror attack sa ASEAN meeting ay ibinulgar ng United States, Britain at Australia. Nasa final stage na raw ang plano ng mga terorista. Isasagawa raw ito habang idinaraos ang meeting sa Cebu. Nagbigay na ng travel advisory ang tatlong bansa sa kanilang mga kababayan na huwag pumunta sa Cebu. Pinabulaanan naman ng Philippine National Police ang banta ng terorismo. Wala raw silang natatanggap na intelligence report.
Noon pa man ay madalas nang magbigay ng babala ang tatlong bansa particular ang Australia. Malagim ang sinapit ng mga Australians sa Bali, Indonesia noong 2004. Marami ang namatay makaraang bombahin ng Jemaah Islamiyah ang isang resort sa Bali. Ilang buwan na ang nakararaan, nabulgar naman na ilang eroplano sa Britain ang pasasabugin habang patungo sa US. Liquid bomb ang gagamitin sa mga eroplano. Nahuli ang mga magsasagawa ng pambobomba.
Ang Pilipinas ay marami nang pininsala ng mga terorista. Noong Dec. 30, 2000 ay maraming namatay nang sabay-sabay na magsagawa ng pambobomba ang mga terorista. Pinaka-marami ang namatay sa LRT bombing. Noong February 14, 2005, isang bomba ang itinanim sa isang passenger bus at tatlo katao ang namatay. Binomba rin ang SuperFerry 14 habang naglalayag sa Manila Bay at marami ang namatay. Nagkaroon ng pambobomba sa Davao airport at ganoon din sa mga pier sa iba pang lugar sa Mindanao.
Itinuturong maghahasik ng terorismo ang Jemaah Islamiyah, Abu Sayyaf at ang Rajah Sulaiman Movement.
Tama lamang ang desisyon na ipagpaliban ang pagdaraos ng meeting. Malaking batik sa Pilipinas kung dito pa magkakaroon ng kaguluhan at ang mabibiktima ay dayuhan. Hindi dapat bigyan ng pagkakataon ang mga terorista na makapaghasik ng lagim. Durugin sila para matahimik na ang kalooban ng mamamayan.