Bakit nga ba matindi ang pag-reject ng mga tao kay Mrs. Arroyo? Sa aking paningin, kahirapan ang sanhi kung bakit ayaw na ng mga tao sa kanya. Sa ibang bansa, kahit hindi maganda ang patakbo ng gobyerno, hindi naman nagrereklamo ang mga tao kung maganda ang ekonomiya at hindi naman masyado ang kahirapan. Dito sa Pilipinas, sinasabi ng gobyerno na maganda daw ang takbo ng ekonomiya, ngunit ano pa man ang sabihin nila, nakikita ng lahat na hindi ito nararamdaman sa ibaba, kung saan matindi pa rin ang kahirapan.
Kitang-kita na sa ilalim ng patakbo ni Mrs. Arroyo, hindi bumababa ang level ng corruption, habang tumataas naman ang level ng kahirapan. Hindi kaila sa lahat na ang corruption ang isang dahilan sa pag-tindi ng kahirapan, kaya may koneksyon talaga ang dalawang problemang ito.
Kung sana nagbibigay ng magandang halimbawa si Mrs. Arroyo, matagal na sanang humina ang corruption sa loob ng gobyerno. Napakalungkot sabihin na sa halip magbigay ng magandang halimbawa, parang pinalaganap pa ni Mrs. Arroyo ang corruption dahil sa dami ng scandal at scam sa kanyang gobyerno na hanggang ngayon ay wala pang resolusyon at wala pa ring napaparusahan. Dahil diyan, iniisip siguro ng mga tiwaling tao ng gobyerno sa ibaba na kung corrupt ang mga tao sa itaas, puwede pa rin silang maging corrupt sa ibaba. Hanggang kailan kaya matitiis ng mga tao ang tindi ng kanilang kahirapan?