Kung inyo pang natatandaan ang Sunny Brooke 1 ay sinalanta ng bagyong Milenyo. Inanod ang 17 row housing units nang sumabog ang Butas dam. Humigit-kumulang 30 katao ang namatay doon.
Dahil sa banta ng paparating na Supertyphoon Reming, agad akong nagtungo upang alamin kung ano ang paghahandang ginagawa ng mga residente roon.
Nadismaya ako nang makita ang buhay ng mga apektadong pamilya na ang pansamantalang tirahan ay halos walang mga pinto at bintana kaya mistulang mga iskuwater.
Agad akong kumilos para hagilapin si Mr. Vic Abilar, presidente ng Sunny Brooke 1 Homeowners Association para kapanayamin, pero tila pinagtataguan niya ako o marahil abala lamang siya sa ibang gawain.
Dahil wala si Abilar, ang mga residente na lamang doon ang aking tinanong.
Ayon sa mga nakausap ko, noong nakaraang buwan umano ay nagkaroon ng moro-morong meeting sa kanilang subdivision na dinaluhan ng mga representative ng National Housing Authority na sina Dante Angulo, Daisy Deri at Albert Agarin. Naroon din si Engr. Freddie Tacluyan bilang kinatawan ng Filinvest Land, Inc.
Ipinagmalaki ni Mr. Angulo na gumagawa na sila ng mga hakbang upang mapadali ang tulong sa mga nawalan ng bahay at sa mga nanganganib pang kabahayan na malapit sa ilog.
Nakikipag-ugnayan na umano sila sa Filinvest land Inc. upang mapadali ang pagproseso na mabayaran na ang mga nawasak na kabahayan at mailipat na umano sa mga ligtas na lugar ang ilan sa mga biktima ng baha.
Subalit ang kasiyahan ng mga residente ay nauwi sa pagkayamot nang aminin ni Angulo na walang sapat na pondo ang kanilang tanggapan upang silay mabayaran sa pinsala. He-he-he! Ayos moro-moro nga! Get nyo mga suki?
Maganda rin umano ang naging talumpati ni Engr. Tacluyan sa may humigit kumulang sa 100 residente na apektado dahil matapos nilang mabalitaan ang pangyayari ng pagkaanod ng mga kabahayan ay agad silang nagpadala ng mga tauhan para mag-imbestiga.
Subalit wala silang narinig na tulong o hakbang na ginagawa ng kanilang kompanya sa mga apektadong residente at sa halip ay lakas boses nitong tinanong ni Engr. Tacluyan kung nasaan si President Abilar. He-he-he! Mukhang may namumuong kasunduan sina Engr. Tacluyan at President Abilar. Abangan ninyo mga suki at aalamin ko po iyan.
Labis na rin ang pagkayamot ng mga biktima sa kanilang barangay chairman na si Walter Martinez dahil sa kawalan nito ng aksyon. Kasi nga naman mga suki, ayon sa mga nakausap ko, naging abala lamang umano si Chairman Martinez noong unang linggo nang maganap ang sakuna dahil madalas umano siyang iniinterbyu ng mga reporter sa telebisyon.
Subalit nang lumamig ang isyu ay hindi na nila kinakitaan ng pagkilos si Chairman. He-he-he! Ganyan talaga mga suki ang karamihan sa mga pulitiko natin, makikita mo lamang ang kanilang pagkilos kung may nakatutok na camera.
Labis din ang kanilang pagtatampo kina Gov. Ayong Maliksi at Gen. Trias Mayor Jonjon Ferrer dahil tila mga bulag at pipi ang mga ito. Sayang lang umano ang kanilang boto na ipinagkaloob sa mga ito dahil wala silang ginawang aksyon.
Hindi man lamang umano sila kumilos na mapaimbestigahan ang ilegal na pagmimina sa naturang lugar kaya nagkaroon ng mga butas ang ilalim ng lupa na kinatitirikan ng kanilang mga tahanan.
Mga Sir, para mapadali ang inyong imbestigayon sa pagguho diyan sa Sunny Brooke, si Chairman Martinez lamang ang inyong tanungin. Noong April 15, 2006 kasi may nahuli si Martines na apat na taong naghuhukay sa gilid ng Butas Dam at sanga-sangang binutas ang ilalim ng lupa na kinatitirikan ng mga raw house.
Subalit kinabukasan, pinalaya ang mga ito sa hindi malamang dahilan. Labis na nagtataka ang mga residente at naganap nga ang hindi inaasahang trahedya sa Sunny Brooke. Get nyo Sirs!
Abangan at may karugtong pa ito. Ibubulgar ko ang pangalan ng mga minero na pinalaya ni Bgy. Chairman Martinez.