Reklamo ng nagpapaupa

ANG mag-asawang Allan at Betty ay nangungupahan sa isang lote na pagmamay-ari ng pamilya Rivera. Dalawandaang piso kada buwan ang upa nila at bukod sa bahay ay nagpatayo sila ng sari-sari store, karinderya at snack center dito.

Simula pa 1979 ay hiniling na ng pamilya Rivera na bakantehin ng mag-asawa ang lote dahil plano ng pamilya na magpatayo dito ng isang commercial building. Subalit sa halip na bakantehin ng mag-asawa ang lugar ay nilawakan pa nito ang kanilang bahay at pinaupahan ang mga espasyo sa ibang tao nang walang pahintulot ng pamilya Rivera. Sa sumunod na taon ay nagpadala ng sulat ang pamilya Rivera sa mag-asawa subalit muli itong tumangging umalis.

Pagkatapos ng huling sulat ay wala nang naging hakbang ang pamilya Rivera. Noong February 20, 1983 ay muli nilang sinulatan ang mag-asawa subalit hindi pa rin umalis ang mag-asawa. Noong December 6, 1983, naghain ang pamilya Rivera ng kasong Recovery of Possession, Damages and Preliminary Injunction sa Regional Trial Court (RTC). Sa kanilang reklamo, iginiit nilang sila ang nakarehistrong may-ari ng lote kaya may karapatan silang mamusesyon nito; na buwanan ang pangungupahan ng mag-asawang Allan at Betty at sa kabila ng ilang beses na kahilingan na bakantehin na ng mga ito ang lote ay nanatili pa ang mga ito.

Samantala, hiniling nina Allan at Betty sa pamamagitan ng isang mosyon na madismis ang reklamo ng pamilya Rivera dahil wala raw hurisdiksyon ang RTC sa kaso dahil ito ay isang unlawful detainer o ejectment. At dahil ito ay inihain ng wala pang isang taon mula sa huling demanda na bakantehin ang lote noong February 20, 1983, ang Municipal Trial Court (MTC) at hindi ang RTC ang may hurisdiksyon dito. Tama ba sina Allan at Betty?

TAMA.
Kahit na naging desisyon ng RTC na may hurisdiksyon ito kung saan sumang-ayon ang CA, iba naman ang naging pasya ng Supreme Court (SC). Ayon sa SC, kahit na ang reklamo ng pamilya Rivera ay may titulong Recovery of Possession, Damages and Preliminary Injunction, ang mga nakasaad sa reklamo ay tumutukoy sa kasong unlawful detainer. Ang pangungupahan ng buwanan ay nagtatapos kada buwan ayon sa abiso ng nagpapaupa na lisanin ng umuupa ang loteng inuupahan. At kapag tumanggi ang umuupa, maaari nang maghain ng reklamong unlawful detainer.

Sa katunayan, ang isang taon na preskripsiyon ay nagsisimula sa huling abiso ng pagbakante ng lote. Ang RTC ay magkakaroon ng hurisdiksyon kung ang di-makatwirang pananatili ay lumampas na ng isang taon. Sa kasong ito, tama na sa MTC ihain ang reklamo ng pamilya Rivera dahil hindi pa nagtatapos ang isang taon mula sa huling abiso noong February 1983 nang maghain sila ng reklamo laban sa mag-asawa noong December 1983 (Labastida, et.al. vs. Court of Appeals, et.al., G.R.110174, March 20, 1998).

Show comments