Ang nangyari kailan lang sa United States kung saan natalo ang mga kandidato ni President George W. Bush, Jr. ay isang patunay na malaki talaga ang posibilidad na matatalo nga talaga ang mga kandidato ng isang Presidenteng hindi popular sa mga tao. Sa usapang ito, halata rin naman na parang nagdadahilan lang si Presidential Political Adviser Gabriel Claudio na kaya raw mababa ang rating ng mga kinikilalang administration candidates ay dahil abala sila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, samantalang ang mga kandidato raw ng opposition ay abala nang mangampanya. Kahit ano pa man ang sabihin ni Claudio, alam natin na pareho lang naman ang galaw ng administration at opposition kung pangangampanya ang pag-uusapan.
Sa isang survey na inilabas, sinasabi na karamihan sa mga tao ngayon ay ayaw na kay Mrs. Gloria Arroyo at ito ang dahilan na maaaring mangyari nga sa Pilipinas ang "Bush Effect". Maalala na parang sobra rin ang pag-ayon ni Mrs. Arroyo sa mga panukala ni Bush, kaya hindi malayong tumama rin sa kanya ang hindi pagpabor sa kanyang mga kandidato kung saka-sakaling matuloy nga ang eleksyon.
Kawawa naman ang mga tao kung magtatagumpay ang administration sa pagpilipilit ng Cha-cha at sa pagpatay ng eleksyon. Matapos madaya sa nakalipas na eleksyon, napakasakit namang isipin na madadaya na naman ang mga tao sa pamamagitan ng pag-deny sa kanilang karapatan na bumoto sa naka-schedule na eleksyon.