Ayon sa nephrologist na si Dr. Yvette T. Tomacruz, 20 percent ng type 2 diabetes ang nagkakaroon ng problema sa kidney. Ayon sa kanya, dapat masuri kaagad ang ihi sa pamamagitan ng urinalysis. Kung may problema sa kidney malaking porsyento ng protina ang itinatapon sa pag-ihi. Ang mga may kumplikasyon sa kidney ay mataas ang presyon, matataba sila na akala ay taba pero manas pala, maputla dahil hirap nang mag-stimulate ng red blood cells ang bone marrow, sobrang nahihirapan sila sa pag-ihi at laging nanghihina.
Kapag malala na ang kumplikasyon, ang tanging solusyon ay dialysis at transplant. Napakamahal magpa-dialysis P 1,700 bawat dialysis at kinakailangang dalawa hanggang tatlong ulit nagpapadialysis bawat linggo.
Hindi rin madali ang magpa-kidney transplant. Kakailanganin ang tamang pasyente. Madali ring kapitan ng impeksyon ang transplant.
Ayon kay Dr. Tomacruz, dapat na kumain ng wastong pagkain at iwasan ang matatamis, maalat at masesebong pagkain gaya ng karne, tahong, mani at iba pa. Dapat alamin ang tamang gamot at regular na pagpatingin sa doktor.