Pero sa nangyayari ngayon sa ilang domestic airport sa bansa na ang mga security personnel ay nalulusutan ng mga kahina-hinalang bagay, dapat na silang isailalim sa training. Hindi dapat magbantay sa airport ang ilang "walang kamuwang-muwang" na sekyu at baka malagay sa peligro ang mga pasahero.
Mga buhay na ahas at bayawak ang nailusot sa Bacolod airport noong Martes at nadiskubre lamang ang mga endangered species na ito nang makita sa x-ray machine sa Ninoy Aquino International Airport. Katwiran ng dalawang walang muwang na airport security sa Bacolod, hindi gumagalaw ang ahas sa loob ng bote. Akala raw nila ay stuffed ang mga ahas kaya pinalampas nila. Owww?
Malaking peligro sa mga pasahero ng eroplano kung ang ahas o bayawak ay nakalabas sa kanilang kinalalagyan. Magpapanik ang mga pasahero at malamang na magkaroon ng aksidente sa loob ng eroplano. Maaaring may himatayin sa takot o atakehin sa puso kung ang mga ahas ay gumapang sa kanilang upuan at tuklawin sila sa binti.
Ayon sa report, isang babaing nagngangalang Erlinda Vergara na patungong Thailand ang magpupuslit ng mga ahas at bayawak. Ang mga ahas ay nakalagay sa plastic container samantalang ang mga bayawak ay may saping diapers.
Dalawang linggo na ang nakararaan, mga "baby buwaya" naman ang nasabat habang ipapasok sa bansa. Nakalagay sa sports bag ang mga "baby buwaya". Mabuti at alerto ang mga security sa airport.
Mabuti na lang at bayawak, ahas at buwaya ang nakalalampas sa airport security at hindi bomba. Kung bomba, malaking takot na naman ang malilikha. Mag-aatrasan na naman ang mga negosyante.
Hindi raw napansin ang mga ahas sapagkat hindi gumagalaw. Nagpapakita lamang ito na walang sapat na kaalaman ang ilang security personnel sa Bacolod airport at nararapat isailalim sa training. Hindi dapat manatili sa airport ang mga walang kakayahang mga sekyu. Paigtingin ang pagbabantay lalo ngayong palapit na nang papalapit ang Pasko.