Tamang hakbang ni Gen. Calderon

SA pagkakataong ito ay gusto kong papurihan ang ginawang desisyon ni PNP chief Director Gen. Oscar Calderon na pansamantalang alisin sa kanilang mga posisyon ang tatlong chief of police matapos ang panibagong bugso ng pagpatay sa mga kritiko ng gobyerno nitong nakaraang mga araw.

Ang aking pagbibigay ng papuri ay upang ipakita na hindi ako bulag at manhid sa ginagawang pagsisikap ng ating mga alagad ng batas na sinserong lutasin ang mga karumal-dumal na pagpatay na ito habang idinidiin sa isipan ng kanilang mga nasasakupan ang kani-kanilang responsibilidad na sugpuin ang mga ganitong bagay. Kumbaga, nakikita ko ang sinseridad ni General Calderon sa kanyang trabaho.

Kung katulad lamang sana ni General Calderon sa pagiging sinsero sa public service ang kanyang among si Mrs. Gloria Macapagal- Arroyo, maaari marahil madagdagan ang mga taong naniniwala kay GMA, ‘di tulad ngayon, batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, na mahigit kalahati ng mamamayan ay walang tiwala sa kanyang liderato.

Sana naman ay maparusahan at agad madakip ang mga kriminal na gumagawa ng walang awang pagpatay na ito. Masakit para sa akin ang makitang pumanaw ang isa sa mga mahal sa buhay dahil sa sakit o katandaan subalit mas ibayong sakit ng kalooban ang makita silang duguan at biktima ng karahasan sa lipunan.

Sana naman ay maging wake-up call sa mga awtoridad ang matatag na halimbawang ipinakita ni General Calderon upang lalo pa silang maging mapagbantay sa kanilang mga trabaho. One death in the hands of a murderer is one death too much for a Christian country like ours.
* * *
>Ang Doktora Ng Masa ay handang magbigay ng serbisyo publiko. Maari kayong mag-e-mail sa: doktora_ng_masa@yahoo.com.ph o sumulat sa aking tanggapan sa Room 202, GSIS Building, Senate of the Philippines, CCP Compound, Pasay City.

Show comments