Mata ng balita ang tinatayong sugalan. Himay-himayin natin ang argumento: (1) Tutol sa Casino ang simbahan. Subalit sino nga ba ang No. 1 na tumatanggap ng donasyon sa PAGCOR? Korek, di ba simbahan din?; (2) Ayaw aminin ni Mayor Mon Ilagan na Casino nga ang tinatayo. Electronic gaming center lang daw. O, sa mga umasa na ang dating taga-media tulad ni Mayor ay sanay maging "MATA" ng bayan, ang mata pala ay napupuwing din. May kasabihan na "wala nang mas bulag kaysa doon sa pilit pinipikit ang mata"; (3) Sumakay lang daw ang Casino sa pagtayo ng Hotel. Your Honor, ang Hotel ang sumakay sa Casino dahil mga parokyano ng Casino ang makikinabang "on the house" bilang padagdag akit; (4) Ang pagtatag ng casino ay pinapayagan naman daw ng batas (P.D. 1869). Bagamat imoral, hindi lahat ng sugal ay bawal. Ang Jueteng bawal. Pero andiyan din ang bingo, karera ng kabayo, lotto, jai-alai, sweepstakes lahat pinapayagan ng batas. At hindi maaring ipagbawal ng munisipio kung pinapayagan naman ng Kongreso. Saan naman daw lulugar si Mayor?
Ang alam ng REPORT CARD, halos lahat ng inumpisahang slot machine o gaming center arcade ng PAGCOR ay ngayoy kumpletong Casino na may mga mesa at baraha lahat. Patunay na basta inuumpisahan ng PAGCOR, doon ang patungo. CASINOng nagbabalatkayo!
Sa lahat na munisipio kung saan nagtayo ang PAGCOR, ang pamahalaang lokal ay kumontra dito. Si Ilagan lang ang Mayor na hayagan ang suporta. Kailangan pa bang bilangin ang dami ng buhay na nasira ng sugal upang ipamukha ang peligro sa pagsuporta dito? Aanhin ang progreso ng bayan niyo kung ang kapalit namay mga pangarap na nawasak at pamilyang nagkawatak watak?
At least, pinangangatawanan ni Mayor ang kanyang posisyon. Basta sinabi niyang pwede, walang atrasan. Tapang ano? Akala yata siya si JAMES BOND.
MAYOR MON ILAGAN GRADE: 0070