Reklamo ng mahirap

ANG mag-asawang Al at Cita ay nagmamay-ari ng bahay at isang boarding house na may market value na higit pa sa P300,000. Ang kabuuang kinikita ni Al ay doble pa sa minimum na sahod ng isang empleyado.

Nang gibain ng lokal na pamahalaan ang kanilang bahay at boarding house, humiling ang mag-asawa ng bayad-pinsala sa Regional Trial Court (RTC) laban sa lokal nilang gobyerno dahil ilegal daw ang demolisyon. Sa katunayan, hindi kaya ng mag-asawa na bayaran ang legal at docket fees ng halaga ng pinsalang natamo kaya hiniling nila sa RTC ang exemption dito dahil sila ay mahirap. Subalit tumanggi ang RTC dahil ang kabuuang kinikita raw ni Al ay higit pa sa naitakdang kita ayon sa Rule 141. Tama ba ang RTC?

MALI.
Magkakaroon ng exemption ang mag-asawa sa pagbabayad ng legal at docket fees kapag napatunayan nilang sila ay walang sapat na pera o ari-arian para sa kanilang pagkain, tirahan at sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Batay sa Section 21, Rule 3 ng Rules of Court, maaari silang maghabla bilang mahirap sa pamamagitan ng ex parte application at pagdinig nito upang patunayan ang kanilang kalagayan. Kabilang sa exemption ang bayad sa legal at docket fees at mga transcripts of stenographic notes na manggagaling sa Korte. Ang halaga ng mga ito ay magiging seguridad sa anumang desisyon, pabor man o hindi.

Kaya, kapag napatunayan na ang suweldo at ari-arian ng mag-asawa ay naaayon sa Section 19, Rule 141 of the Rules of Court, iuutos agad ang kanilang exemption. Subalit kapag hindi sila pumasa, hindi sila dapat hayagang tanggihan ng Korte dahil kailangan pa nitong iaplay ang "indigency test" ayon sa Section 21, Rule 3 at gamitin ang malayang pagpapasya sa merito ng aplikasyon sa exemption.

Ang paglapit ng mahirap sa hustisya ay sagrado ayon sa Saligang Batas. Ito ay mahalagang karapatan na dapat ingatan at protektahan. Kaya, ang RTC sa kasong ito ay kinakailangang magsagawa ng pagdinig sa mosyon ng mag-asawa bilang mahirap upang alamin kung sila ay makaka-pasa sa indigency test. (Spouses Algura v. The Local Govern-ment Unit of the City of Naga, et.al. G.R. 150135, October 30, 2006).

Show comments