EDITORYAL — Ang Ombudsman at ang mga corrupt

NAKATUTUWA namang malaman na pursigido ang Office of the Ombudsman na maubos ang mga "matatakaw na buwaya" sa mga tanggapan ng pamahalaan. Sabi ni Ombudsman Mercedita Gutierrez, ang corruption daw ay nasa sistema. Kaya ginagawa nila ang lahat ng paraan para maitama ang sistema. At isa sa mga paraan para maitama ang sistema ay ang pagtatalaga ng resident Ombuds-man sa bawat tanggapan ng pamahalaan at ahensiya. At dagdag pa ni Gutierrez, magtatayo sila ng Ombudsman Academy kung saan magti-train ang mga ombudsman na ilalagay sa mga ahensiya. Ang mga Ombudsman na ito ang lalaban sa mga corrupt sa bawat tanggapan.

Maganda ang naisip ni Gutierrez. Kung magkakaroon nang maraming Ombudsman na huhuli sa mga "matatakaw na buwaya" madali nang matatapos ang katiwalian. At kapag nasolusyunan ang katiwalian, ang kasunod na rito ay ang unti-unting pagginhawa ng buhay. Wala nang kukurakot sa kaban ng bansa.

Sinabi ng Office of the Ombudsman na limang tanggapan ng gobyerno ang nasa listahan nila ng pagiging pinaka-corrupt. Nangunguna sa listahan ang Bureau of Customs, Land Transportation Office, Department of Public Works and Highways, Philippine National Police at ang Department of Education.

Kahit kailan ay nangunguna ang Customs sa pinaka-corrupt na tanggapan. Katibayan nang pagiging "numero uno" sa pagiging corrupt ng Customs ay ang pagsasampa ng kaso laban sa isang operations officer nito dahil sa hindi maipaliwanag na mga ari-arian. Ang Customs officer ay nakilalang si Felix Embalsado na may suweldong P14,450 bawat buwan. Natuklasan ng Ombudsman na ang mga ari-arian ni Embalsado ay nagkakahalaga ng P11 million. Nagsimulang magtrabaho si Embalsado sa Customs bilang gatekeeper hanggang sa maging operations officer. Lima ang mamahaling sasakyan ni Embalsado at bukod dito may walong buildings at mga lote sa Tanauan, Batangas.

Inatasan na ng Department of Finance-Revenue Integrity Protection Service ang Ombudsman na suspindehin si Embalsado at kumpiskahin ang kanyang mga ari-arian in favor of the government.

Kumikilos na ang Ombudsman laban sa mga corrupt. At sana ay tuluy-tuloy na ito para mawakasan na nang tuluyan ang "katakawan ng mga buwaya". Putulin na ang pangil ng mga "buwaya"!

Show comments