Mga Pinay na pinakulong sa Lebanon natulungan
November 17, 2006 | 12:00am
Huling bahagi
NOONG Miyerkules ay nabanggit ko na ang dalawang kasama pa ni Monaliza Gutierrez na sina Maricel dela Cruz at Jasmin Sundiam ay nakaranas ng hirap sa bansang Lebanon. Silang tatlo ay nakakulong dahil sa ibat-ibang mga kasalanan na pawang mga kasinungalingan na gawa-gawa lamang ng kanilang mga employer.
Inalahad sa amin ni Jasmin kung paano siya ay labis na pinahirapan ng kanyang among babae sa kanya. Ika-21 ng Abril 2005 nang umalis ng bansa si Jasmin patungong Lebanon. Bitbit ang pag-asang sa kanyang pagpunta roon ay magiging maayos ang kalagayan ng kanyang mga mahal sa buhay.
Armanian National ang naging amo ni Jasmin subalit apat na buwan lamang ang kanyang itinagal dito. August 2005 ng gabi nang pasukin ng kanyang among lalaki ang kuwarto niya. Tinutukan siya ng kutsilyo sa leeg at gusto raw siyang pagsamantalahan nito.
Nang tatanggalin na ng kanyang amo ang pantalon nito ay tinadyakan nito ang ari upang hindi maisagawa ang balak pero nagkaroon din siya ng tama ng kutsilyo ang kanyang kanang binti nong sinubukan niyang manlaban.
Kinabukasan naman ay pinuntahan siya ng kanyang among babae sa kuwarto at saka pinagsasampal siya nito. Hindi pa daw nakuntento ay pinaso pa siya ng sigarilyo nito.
"Wala akong nagawa kundi ang umiyak kasi hindi ako makalaban sa kanya. Pagkaraan ay dinala ako ng amo kong babae sa agency at doon naman ay sinampal-sampal ako noong may-ari ng agency. Sinabihan pa akong sinungaling. Ang gusto pa nila ay halikan ko ang paa ng amo kong babae pero hindi ko ito ginawa kaya sinampal ako uli nito," salaysay ni Jasmin.
Bumalik ng bahay sina Jasmin at ang kanyang among babae. Hindi na nito malaman ang kanyang gagawin. Gusto na niyang takasan ang mga ito subalit hindi siya makaisip ng paraan kung paano niya matatakasan ang mga employer.
Mula sa ikatlong palapag ng bahay na tinitirahan nito ay itinali niya ang labing-dalawang kumot patungo sa pinaka-groundfloor nito. Sa ganitong paraan ay nakatakas siya subalit nang malapit na siya sa pinakababa saka natanggal ang isang kumot na itinali niya at pagkatapos ay nahulog na ito.
Nawalan ng malay si Jasmin mula sa kanyang pagkahulog. Nang magkaroon ng malay ay nasa ospital na si Jasmin. Halos dalawang buwan ang itinagal nito sa ospital dahil nasemento ang kanyang binti.
Nang gumaling siya ay agad siyang humanap ng mapapasukan at sa kabutihang palad naman ay nakapag-partime siya. Sa isang maliit na kuwarto ay nangupahan si Jasmin. Tiniis niya ang hirap ng buhay doon para sa kanyang pamilya hanggang sa makakilala ito ng isang employer na tutulong sa kanya upang maayos ang kanyang pagtatrabaho sa Lebanon.
Sa kaso naman ni Maricel dela Cruz ng Bukidnon ay anim na buwan siyang namalagi sa Lebanon bilang domestic helper. Unang nagkasama sina Maricel at Monaliza Gutierrez sa embahada ng Pilipinas.
Maraming pasa sa katawan, tulala at walang gustong kausapin si Maricel. Sa kuwento ni Monaliza, sa tuwing kinakausap niya ito ay parang laging natatakot. Walang maalala patungkol sa pagkakakilanlan nito.
Nililibang at madalas kausapin ni Monaliza si Maricel na itinuring na nitong kaibigan. May gustong sabihin subalit hindi nito maituluy-tuloy ang kuwento. Nagtatago sa loob ng comfort room sa tuwing makakakita ng mga lalaki o pulis.
Dahil sa hindi magandang kondisyon ni Maricel ay pinagamot ito. Kinausap ng mga pulis kung ano ang kanyang nararamdaman at kung ano ang nangyari sa kanya. Ang tanging naalala niya ay tinurukan siya sa braso ng droga at pagkatapos ay nawalan ng malay.
Sinabi rin niya na hindi siya makadumi ng ilang araw at pinaniniwalaan ng mga kasama nito na maaaring pinagsamantalahan ito ng kanyang employer. Hindi na rin nagkaroon ng pagkakataon na mapatingnan pa ito dahil nakauwi na ito ng bansa. Nasa pangangalaga ni Monaliza si Maricel hanggat hindi pa ito nakakauwi sa kanyang pamilya.
Pinayuhan nina Monaliza at Jasmin si Maricel na kalimutan na ang nangyari sa Lebanon upang makapagsimulang muli. Awang-awa sila sa kalagayan nito dahil madalas ay parang wala sa sarili at sumisigaw pa ito. Subalit mahirap para kay Maricel ang naging karanasan niya dahil hanggang ngayon siya ay nagsasakripisyo.
Madalas pa rin daw itong sumisigaw at sinasabing maraming lalaki ang nakapalibot sa kanya at takot na takot, ayon sa kanyang mga kaibigan. Nilibang at walang tigil pa rin nilang kinakausap ng mga ito si Maricel upang maging maayos ang pakiramdam nito.
Ngayon ay wala nang balak pang bumalik sa ibang bansa sina Maricel at Monaliza. Labis nilang ipinagpapasalamat na maayos silang nakauwi ng bansa sa tulong ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez na mabilis na nakipag-ugnayan sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs.
Hangad nina Monaliza, Jasmin at Maricel na makauwi ang ilan pa nating kababayan na hanggang ngayon ay nasa Lebanon pa.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended