Sa gitna ng ingay, nakalimutan na yata natin bakit nga ba ulit nag-underground si Gringo? Oakwood. Kuya raw ng mutineers. Pero sandali. Hindi bat si Sen. Honasan, kasama nina Sen. Biazon at Sotto, ay namagitan sa mga mutineers sa hikayat nina Sec. Defensor at Tiglao. Tapos, agad sinampahan siya ng reklamo na walang kaebi-ebidensiya at aarestuhin daw saan man matagpuan. Natural, hindi sinipot ang imbestigasyon. Nang hingin niyang ipaliwanag ang walang detalyeng akusasyon bago niya sagutin, tinuring ito agad na pagsuko sa karapatang sumagot. Pagkatapos ay dali-daling nag-issue ng arrest warrant. LUMANG TUGTUGIN. Ni-replay ng gobyerno kay Mayor Jejomar Binay. Humingi lang ng detalye, sinabihan nang Aha! - guilty ka na.
Bakit naging madali ang pagkahuli sa orig na "magician"? Kataka-taka na isang tao na kilalang planado lahat ng kilos ay biglang nagrelax. Para bang pinaniwala siyang OK na ang lahat. Totoo nga kayang may negosasyon na para lumutang si Gringo? Lulutang na, inunahan bigla. Sabi nga ni Biazon: NA-DOUBLE CROSS si Honasan.
Matindi na ang damdamin ng tao laban o pabor kay Senador Honasan. Walang pumapagitnang opinyon - kung hindi siya martir, demonyo. Anuman ang paninindigan, hindi dapat kaligtaan na si Sen. Honasan ay mayroon ding karapatang dapat respetuhin. At may proseso ang batas na dapat sundin. Ngayon, maaari nang harapin ang mga bintang. Huwag sanang magpadala ang gobyerno sa dambuhala nitong kapangyarihan at balewalain ang batas. Wakas na raw ang destabilisasyon? Kwidaw Wala nang mas masahol na destabilisasyon kaysa sa isang abusadong gobyerno.
GRADE: + + as in double cross