Makatarungang bayad

SI Kiko at ang apat na kapatid ang rehistradong may-ari ng 99.3 ektaryang lupain na may tanim na tubo, palay at mais. Ito ay may TCT No. T-402203. Ang lupain ay pinag-aaralan ng Department of Agrarian Reform para isailalim sa RA 6657. Subalit inalok nina Kiko ang DAR na isailalim ito sa Voluntary Offer to Sell (VOS) sa halagang P53, 256,400.

Walang naging aksyon ang DAR sa alok nina Kiko bagkus ay nagpadala ito ng Notice of Valuation kung saan ang naging halaga lamang ng lupain ay P4,826,742.35. Tinanggihan ito nina Kiko dahil mas mababa ito sa fair market value. Binawi rin nila ang kanilang alok na VOS dahil hindi na ito angkop na pangsaka dahil nai-kategoriya na ito ng HLURB bilang pamahayan, pang-komersyo o pang-industriya. Gayunpaman, sasang-ayon sila kung ipipilit ng DAR na bilhin nito ang lupa subalit sa kondisyong mananatili sa kanilang magkakapatid ang 79 ektarya.

Sa pagtanggi ni Kiko, hiniling ng DAR sa Land Bank of the Philippines (LBP) na magbukas ng trust account pabor kay Kiko at sa mga kapatid nito sa halagang P4,826,743.35 bilang assessed value ng nasabing lupain. Inisyu ng LBP ang sertipiko na nagpapatunay na ang halaga ay nakareser- ba at itinakda sa 99.3 ektaryang lupain nina Kiko sa ilalim ng CARP VOS. Samantala ang parteng P1,834,162.10 ay isinailalim sa Trust Department, subalit walang pera na naibayad at naipatupad.

Nag-isyu ang DAR ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa nasabing lupain at pagkatapos ay inisyu ng Register of Deeds ang TCT No. CLOA-1424 pabor sa 53 benipisaryo na mga miyembro ng Agrarian Reform Beneficiaries Association (ARBA). Tama ba ang DAR sa pag-isyu nito ng CLOA?

MALI.
Bago maisyu ang CLOA, kinakailangang naibayad muna ang just compensation o ang makatarungang kompensasyon sa may-ari bago ito kunin para sa publikong gamit. Ang titulo nina Kiko ay dapat ding mailipat muna sa pangalan ng gobyerno. Sa halip ay agad na inisyu ng DAR ang CLOA sa ARBA nang hindi pa narerehistro sa Register of Deeds ang lupain sa pangalan ng gobyerno. Ang administratibong iregularidad na ito ay pinalala pa nang hindi ibinigay kina Kiko ang makatarungang bayad.

Ang uri ng kompensasyon na ibabayad sa may-ari ng lupa ay dapat na tiyak. Ang deposito ay dapat na pera o LBP bonds. Ang pagbubukas ng trust account deposit ng DAR para kina Kiko ay hindi maituturing na pagbabayad ng naaayon sa batas. At kahit na mapalitan ng pera o LBP bonds ang trust account, hindi nito maiwawasto ang kakulangan ng kompensasyon dahil ang pagsasaalang-alang ng kompensasyon ay may kalakip na proseso. Sa katunayan, binalewala ng DAR ang hinihinging wastong prosesong administratibo sa pagkuha nito ng lupain nina Kiko (Heirs of Tantoco et. al. vs. Court of Appeals et.al. G.R. 149621, May 5, 2006).

Show comments