Nakaaalarma na ang mga pagpatay na hindi lamang mga aktibista ang itinutumba kundi pati na rin mga mamamahayag. Wala nang pagkatakot ang mga salarin na parang pumapatay lamang ng manok.
Naalarma na rin ang mga dayuhang negosyante sa mga nangyayaring patayan at nanawagan sila kay President Arroyo na ihinto ang mga karumal-dumal na pagpatay. Anim na multinational companies ang nagpaabot ng mensahe kay Mrs. Arroyo. Sinabi nilang walang puwang sa isang demokratikong bansa ang mga pagpatay na nagaganap. Nararapat umanong maimbestigahan agad ang mga pagpatay para maparusahan ang mga nagkasala. Bilisan anila ang pag-imbestiga. Sinabi ng mga negosyante na ang patuloy na mga pagpatay ay maaaring maging hadlang sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas. Mababahiran anila ang imahe ng Pilipinas at maaaring mabawasan ang mga nais magnegosyo sa bansa. Kapag nagkaganito apektado ang ekonomiya at siyempre maraming Pinoy ang mawawalan ng trabaho. Maraming maaapektuhan kapag hindi nawakasan ang mga pagpatay.
Ilang buwan na ang nakararaan, binuo ni Mrs. Arroyo ang Melo Commission para maimbestigahan ang mga pagpatay. Wala pang naririnig sa Melo Commission. Sabi naman ng Philippine National Police, napababa na nila ang bilang ng mga biktima ng political killings. Ayon sa PNP napababa nila sa 136 ang bilang ng mga napapatay mula 2001 at naka-solved daw sila ng 62 cases. Pero ang tanong, nasaan ang mga suspect kung nakalutas sila ng 62 kaso.
Malakas ang sigaw hindi lamang ng human rights group kundi pati mga dayuhang negosyante, wakasan ang mga pagpatay.