Ang nakaka-suspetsa rito ay isinusulong ang Con-Ass, imbis na ang congressional-local election tickets, dahil meron itong kolatilyang No-El. Kumbaga, kung matuloy ang Con-Ass, No Election na rin sa May 2007.
Dalawang bersiyon ang anyayang Con-Ass sa Kamara de Representante. Ang una, akda ni Rep. Constantino Jaraula, ay para sa parliamentary pero kasabay ang federal at economic liberalization. Ang ikalawa, akda ni Rep. Prospero Pichay, ay para sa parliamentary lang. Ang proposisyon ng dalawa ay ganito: Bubuuin ng kasalukuyang mga senador at kongresista ang bagong parliament. At para walang gulo ang transisyon sa bagong anyo ng gobyerno, kailangan wala na munang eleksiyon. Pareho nilang inaakit ang mga mambabatas na manatili sa puwesto nang lampas sa terminong ibinigay sa kanila ng botante.
Nakakatawa na ang Jaraula version ay wala halos suporta sa Kamara nung una, nang lamunin lang ito ng parliamentary, federal at economic lib. Pero nung baguhin ang transitory provisions at pinanukalang alisin ang May 2007 elections. Dumagsa ang endorsements. Mas marami pang pumirma sa Pichay version ang lantaran nitong ilipat ang eleksiyon sa Dis. 2007. Kumbaga, anim na buwang libreng dagdag sa panunungkulan.
Pero sobrang huli na para sa Con-Ass. Miski magsimula ito ngayon, aabutin ng isang buwan bago matapos, at isang buwan pa muli para mag-plebisito. Mauunahan ito ng Christmas holiday mood. At kung may gusot, isasampa muli sa matagal na usapin sa Korte Suprema.