Nagkaroon ng samaan ng loob ang magkapatid hanggang sa magtanim ng galit ang suspek sa biktima. Dahil dito isang trahedya ang nangyari kung saan pinaslang ng suspek ang sarili niyang kapatid.
Nagsadya sa aming tanggapan si Eleonor Amon ng Silang Cavite upang humingi ng tulong hinggil sa kaso ng asawa nitong si Lazaro Amon, bunso sa anim na magkakapatid.
Abala si Lazaro sa pagbabantay ng kanilang tindahan kung saan katabi lamang nito ang bahay nila habang si Eleonor naman ay nagtitinda ng mga bulaklak.
Mabait at maunawain si Lazaro lalo na pagdating sa kanyang pamilya. Naawa siya sa isang niyang kapatid na si Roland alyas Olan, caretaker ng isang resthouse dahil ito lamang ang alam nitong mapapasukang trabaho. Sinulot ng nakatatandang kapatid nito na si Romualdo alyas Bitoy ang dating pinagtatrabahuhan nito.
Labis na nagdamdam si Olan kay Bitoy kaya naman sa tuwing malalasing ay gusto nitong harapin ang kapatid dahil sa ginawa nito. Dahil sa madalas daw na pag-aamok nitong si Olan ay naisipan ni Bitoy na bumili ng baril.
Madalas daw nitong ipagyabang sa mga kainuman nito na may papatayin siya sa kanyang mga kapatid. Nalaman ni Lazaro ang pagbabanta nito kaya umisip ito ng paraan para magkaroon ng katahimikan ang kanilang pamilya.
Ika-18 ng Hunyo 2006, inireport ni Lazaro sa himpilan ng pulisya ang biniling baril ng kanyang kapatid na walang anumang papeles. Ipinakiusap naman niya na huwag kasuhan upang hindi makulong ang kapatid at kung maaari ay kuhanin lamang ng mga ito ang baril.
"Dinala sa kampo si Bitoy at kinumpiska ang kanyang baril. Dahil sa pangyayaring ito, nagalit siya sa asawa ko at nagbanta na papatayin niya ito. Kahit sinong makausap niya ay sinasabihan daw nito na hindi matatapos ang katapusan ng Hunyo ay papatayin niya si Lazaro," kuwento ni Eleonor.
Nakarating na rin kay Eleonor ang pagbabanta ng kanyang bayaw subalit hindi naman nito pinansin at inisip na hindi nito magagawa sa kapatid ang manakit. Lumipas ang buwan ng Hunyo kaya naman panatag ang kalooban ni Eleonor na maaaring hindi ituloy ng bayaw ang banta.
Ika-15 ng Hunyo 2006 umaga pa lamang ay marami na raw ang nakakita kay Bitoy na umaaligid sa bahay nina Lazaro sa Brgy. Toledo, Silang, Cavite na parang may inaabangan ito.
Bandang alas-8 ng gabi, pumunta si Lazaro sa kanilang tindahan upang kumuha ng sigarilyo. Bigla na lamang dumating si Bitoy kasama ang pinsang si Aplonio Amon alyas Amon.
Si Rico Amon, ang batang pamangkin ng biktima ang nakakita sa krimen. Una nitong narinig na sinabihan ni Bitoy si Lazaro nang duwag at pagkatapos ay umalis rin ito. Umuwi na rin si Rico subalit nang makita niyang bumalik pa ang dalawang suspek ay sinundan niya ang mga ito.
Sumilip si Rico sa bintana ng biktima at doon ay nakita niya na nasa may poste sina Apol at Bitoy na armado daw ng isang shotgun. Binaril ni Bitoy ang sariling kapatid.
"Pagkatapos daw ay pumasok na ang asawa ko sa loob ng bahay pero bumagsak na rin dahil sa tama ng bala na tinamo nito," sabi ni Eleonor.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek. Samantala wala naman noon si Eleonor nang mangyari ang krimen. Nalaman na lamang niya ito sa kanilang mga anak na sina Mark Joshua at John Mark at sinabing nabaril ang kanilang ama.
Nakita ni Eleonor na nagkalat ang dugo sa loob ng kanilang bahay. Nalaman niyang dinala sa Ospital ng Tagaytay si Lazaro kaya agad itong sumunod kasama ang kanyang biyenan na si Sabina.
Wala namang nagawa ang ilang kapitbahay dahil na rin sa takot na balingan sila ng mga suspek. Matapos ilibing ang biktima ay agad na inireport ni Eleonor sa hiimpilan ng pulisya ang nangyari.
Naisampa sa Imus, Cavite Prosecutors Office ang kaso laban sa mga suspek subalit hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari. Nakabinbin pa rin ito at naghihintay ng subpoema para sa preliminary investigation.
Hangad ni Eleonor sampu ng kanilang pamilya na mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Lazaro. Umaasa silang umusad na ang kaso upang mababaan ng warrant of arrest ang mga suspek at pagbayaran ang kanilang ginawang krimen.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.