Nabatid ang huli sa bagong saliksik sa US National Institute of Neurology. Inalam ng mga dalubhasa kung bakit natural tumulong sa kadugo kaysa estranghero. May mga tumutulong sa di-kakilala sa hangad na magantimpalaan sa kinabukasan. Pero bakit maraming tumutulong sa mga kosa o grupo na hindi naman gaganti ng tulong? Ang sagot, anang mga dalubhasa: Kasi literal na masarap ang pakiramdam.
Labinsiyam na volunteers ang binigyan ng tig-$128, at sinabihang maari iabuloy ang buo o bahagi sa mga nilistang charities. Kontrobersiyal ang ilang charities: tulong sa abortion, suicide o sex equality; kontra death penalty, giyera o nuclear arms. Inalam ang pagpasya ng 19 sa: Pag-abuloy ng perang hindi naman kinita, pagbawas ng inabuloy sa matitira nilang ipon, lumaban sa mga kosa o umayon sa mga kontrobersiyal na isyu pero walang kukutya.
Resulta: Tatlong bahagi ng utak ng tao ang lumalahok sa desisyon.
Kapag ang desisyon ay magkait ng abuloy, ang unang gumagana ay ang bahagi na nagpaparamdam ng sarap sa sex, pera, pagkain o droga. Ito ang "mesolimbic pathway" na nagkokontrol sa dopamine hormone.
Pero kapag ang desisyon ay magbigay nang todo, may pangalawang gumagana: Ang bahagi na nakakaramdam ng bonding ng anak at ina o ng pag-ibig, na nag-uudyok ng oxytocin hormone na siya naman ang bubunsod ng pagtitiwala.
Kapag nagtalo ang isip sa pagbigay ng malaki o maliit, at sa hindi nais na kosa, may pangatlo pang gumagana, ang "anterior prefrontal cortex" sa likod ng noo. Ito ang tumutulong magpasya sa mga isyung moral, tulad ng pagpili ng tama o mali.