Walang personalan ito. Ang pinag-uusapan dito ay ang tungkol sa pinakamataas na posisyon sa isa sa tatlong branch ng gobyerno na iniaalok sa isang opisyal na hindi naman kasapi sa nasabing branch. Siguro naman maliwanag na ito.
Sa aking palagay, hindi mangyayari ito lalo na sa takbo ng panahon ngayon sa bansa. Kailan lamang, nasaksihan kung paano kumilos ang justices ng Supreme Court nang ibasura ang peoples initiative. Karamihan sa justices ng SC ay inilagay sa puwesto ni GMA.
Kapag naupo si Miriam sa SC, siya ang kauna-unahang babaing Chief Justice at galing pa sa labas. Pero tandaan, hindi pa nangyari ito sa SC. Isa pa, lima ang nakaantabay para mapili bilang Chief Justice kapalit ni Artemio Panganiban na magreretiro next month. Isa rito si Justice Reynato Puno na nagpalamang muna kay Panganiban at sinabing sa susunod na lamang daw siya.
Hindi ito gagawin ni GMA sapagkat hindi lamang ito political suicide kundi immoral to the highest level. Dapat malaman ni GMA na hindi lamang ang SC ang umani ng magandang puntos sa pagkakabasura ng peoples initiative, kundi siya rin mismo. Lumalabas na hindi niya pinilipit ang SC. Palagay ko, hindi tototohanin ni Miriam ang balitang siya ang susunod na Chief Justice.