Dahil sa nadagdag na pasilidad ng PAG-ASA maaga nitong naibalita ang pagdating ng MILENYO at dahil nga sa early forecast maagang nakapag-handa ang mga kinauukulan gaya ng DepEd na maagap na sinuspinde ang mga klase sa lahat ng level na kung saan ay makaiwas ang mga mag-aaral sa mga problema tuwing may bagyo gaya ng sanhi ng pagkakasakit. Ang mga taong gobyerno ay nabigyan din ng babala na huwag nang pumasok sa trabaho at iyon namang nasa mga pribadong kompanya ay naabisohan na maaga nang umuwi para makaiwas sa hagupit ni Milenyo.
May mga nangyaring sakuna gaya nga ng pagbagsak ng mga giant billboards na isa ang namatay dahil nabagsakan ng billboard sa Estrella, Makati City at bunga nito marami ang nanawagan na higpitan ang mga alituntunin sa pagtatayo ng mga billboards sa mga pangunahing daan gaya ng EDSA at Roxas Blvd. Maraming mga punong-kahoy ang nabuwal at mga poste ng Meralco na nagresulta sa blackout sa maraming lugar. Sa ibang bansa ang mga puno ay tinatalian na gamit ng matitibay na wires para hindi mabuwal.
Napuna rin na ang mga residente na dating nagmamatigas na lisanin ang tirahan at tumuloy sa evacuation centers ay hindi na naging pasaway. Ang mga lamok na sanhi ng dengue ay nalimas ng malakas na hangin at ulan ni Milenyo.
Bukod sa PAG-ASA dapat ding batiin ang naging partisipasyon ng National Disaster Center, Red Cross at iba pang NGOs at samahang sosyo-sibiko sa pagtulong sa mga biktima ni Milenyo.