Isa sa mga sinabing dahilan ng pagbasura ay ang di paglalagay ng buong teksto sa isinusulong na amyenda. Pero ayon sa mga proponents ng PI, "ang full text ay inilalagay lamang sa plebisito o kapag pagbobotohan na ang isinusulong na amendment. Ang petisyon ng Sigaw ng Bayan at Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) ay humihiling lamang ng pagtatakda ng petsa sa plebisito. Hindi sinasabi sa Sec. 2, Art. XVII ng Konstitusyon na dapat ilahad ng petisyon ang kabuuan ng pagbabagong isinusulong.
Kapag ginanap na ang plebisito, doon lamang buong ilalahad ang panukalang amyenda para pagpasyahan ng taumbayan, anang mga proponents.
Nagtataka ang mga proponents ng PI sa desisyon ni Chief Justice Artemio Panganiban na noong 1997, pinaboran niya ang PI sa kasong Santiago vs COMELEC. Bakit daw kaya siya nagbago? Masyado raw "marahas" at puno ng nakalalasong salita ang wordings ni Panganiban sa desisyon. Higit pa raw masakit ang mga salita sa ponensya ni Associate Justice Antonio Carpio. Ani Carpio, may halong "panlilinlang" ang pagkalap ng higit sa 9-milyong pirma, pero ito ay base sa hinala lang. Hindi raw ba nasilip ang pagsisikap ng Charter Change Advocacy Commission na lumibot sa loob at labas ng bansa upang ipaliwanag ang Chacha sa taumbayan. Dagdag pa riyan ang mga barangay assembly, public debates. websites, anunsyo sa radyo, TV at diyaryo. Anila, sa kasaysayan ng bansa ay ngayon lang nagkaroon ng ganyan kalawak na pagkilos para maipaunawa sa bayan ang repormang isinusulong sa Konstitusyon.
Pero sabi nga ng Kano, "water under the bridge". Nagdesisyon na ang Korte at kailangan itong irespeto. Maraming umaasa na ang pagbabago sa sistema ay mag-aangat sa kabuhayan lalo na ng mga mahihirap. Sabi ng barbero kong si Mang Gustin, "NAUNSIYAMI!"
Tanong tuloy ni Mang Gustin: Oposisyon kaya ang nasa likod ng survey na nagsasabing 62 per- cent ng mga tao ay di naniniwalang magiging patas ang desisyon ng SC? Nakaimpluwensya kaya ito sa mga Mahistrado?" Huwag na nating isipin iyan.
Ang mahalagay irespeto ang pasya ng SC at humanap ng ibang legal na option para maisulong ang inaasam na pagbabago.