Kaya naman ang ulo ng balita: "sanggol inilibing sa ilalim ng hagdan"; "bangkay ng parak itinakas". Ang tao, walang pambayad sa burol at libing. Sa panahon ngayon, kung akala mong mahal mabuhay, mali ka. Mas mahal mamatay!
Hindi naman nagpapahuli ang pamahalaan sa mga serbisyo sa namatayan. Para sa mga naging kawani ng gobyerno at pribadong sektor, andiyan ang GSIS, SSS, Philhealth, Pag-IBIG, Veterans upang ipamahagi ang mga benepisyo (funeral, death, survivorship, pensions) na sukli sa mga inihulog na kontribusyon. Kung meron ding pribadong asosasyon tulad ng union o iba pang fraternal organization na sinalihan, maski ang dating pinagtrabahuhan - maaring may compensation plan ang mga ito.
Ang mga charity organizations tulad ng PCSO at mga munisipyo tulad ng Navotas ay may programang libreng libing na tumutulong doon sa simot ang bulsa. Sa Maynila, meron nang crematorium na nagbibigay ng mas murang alternatibo. Ito nga ang isang "hidden cost" ng pagiging halal na opisyal. Automatic kang takbuhan sa ganitong trahedya. Palibing, abuloy, bulaklak. Marami ngang mga mayor may sarili nang pagawaan ng kabaong nang makamura. Ang iba may sariling tindahan ng bulaklak - para sila na rin ang kikita lalo na kung ipa-reimburse sa munisipyo.
Tama lang na nagsama-sama ang mga may-ari ng punerarya at sementeryo upang itayo ang samahan ng "eternal care". Kapuna-puna ang kanilang pagkamasigasig. Lahat tayo ay magiging customer nila. Lahat ay makikinabang sa anumang hakbang na magpapaganda sa pamamalakad ng kanilang hanap-buhay.
(Wala munang grade dahil holiday ngayon.)