Ang gobyerno ang nagtakda na dapat ay $400 ang tanggapiung suweldo ng Pinay DHs. Mula sa dating $150 o $200 magiging $400 na ito sa darating na Nov. 16, 2006. Lahat ng DHs ay nararapat na $400 ang suweldo, ayon sa direktiba ni President Arro-yo sa Department of Labor at sa Philippine Over-seas Employment Administration. Hindi lamang iyan, inatasan din ng gobyerno ang POEA na huwag kaltasan ng placement fee ng mga ahensiya ang Pinay DHs. Bahagi ito ng package policy para maitaas ang antas ng DHs.
Maganda ang hinaharap ng Pinay DHs. Marami ang nag-akala na gimik lamang ng gobyerno ang "supermaids" at ang lahat ay mauuwi lamang sa ningas-kugon. Pero hindi pala. Itinaas pa ang suweldo ng DHs.
Subalit ang masaklap ay may grupong hindi naniniwala sa sinasabi ng gobyerno. Unrealistic daw ang planong pagtataas ng suweldo ng DHs sabi ng organisasyon ng mga manpower agencies. Hindi raw ang gobyerno ang magtatakda ng suweldo kundi ang mga employer at ito ay batay sa law of demand. Hindi raw dapat gobyerno ang magsasabi ng suweldo. Wala raw karapatan ang gobyerno dito. Sila raw ang naiipit sa ginawang ito ng gobyerno.
Mariing sinabi ng mga kasapi ng manpower agencies na hindi patas ang gobyerno sa ginawang pagtataas ng suweldo. Hindi rin daw nag-secure ang Pilipinas ng bilateral agreements sa mga bansang pupuntahan ng DHs. Ito raw ang dapat inuna.
Kawawang "supermaids" at mapupurnada pa yata. Linawin ng gobyerno ang tungkol dito para hindi umasa ang Pinay DHs.