Dahil sa nangyari, naisipan nina Romy, Jake at Jimmy na kausapin si Bonny, isang empleyado ng Korte na nangako sa kanilang gagawa ng rebisyon ng kanilang grado sa kaukulang bayad. Ilang miting kasama si Bonny ang naisagawa hanggang mapagkasunduang hikayatin ang isang janitor na kunin sa Korte Suprema ang Roll of Attorneys (talaan na naglalaman ng mga pangalan ng nakapasa sa bar). Dadalhin ng janitor ang talaang ito kina Romy, Jake at Jimmy upang palitan ng kanilang pangalan ang tatlong pangalang nakatala rito.
Naisakatuparan ang plano. Nabura ang tatlong pangalan at napalitan ng kanilang mga pangalan kalakip ang kanilang pirma. Subalit dahil marumi ang pagkakapalit ng pangalan, madali itong nahalata. Kaya, nakasuhan sina Romy, Jake at Jimmy. Bilang ganti ay isinangkot ni Romy si Bonny, ang kanilang kausap sa Korte, na kinumpirma ng nasabing janitor.
Sa paglilitis, itinanggi ni Bonny ang kanyang partisipasyon sa krimen. Inamin man niyang ang P900 ay mula kay Romy subalit iginiit niyang ito ay natanggap niya mula sa kapwa empleyado at siya ay ignorante sa kri-minal na layunin ng perang natanggap. May pananagutan ba sa batas si Bonny?
MERON. Walang dudang may partisipasyon si Bonny sa krimen. Pinagtibay pa ito ng mga testimonya nina Romy at ng janitor na siya ay sangkot sa palsipikasyon lalo na at ginamit niya ang kanyang posisyon bilang empleyado ng Korte upang isakatuparan ang krimen. Ang kasong ito ay katulad sa naging desisyon sa mga kaso ng Pp. vs. Ponferada, 54 Phil. 68 (1929); Pp. vs. Segovia, 54 Phil. 75 (1929).