Hindi lamang ngayon napabalita ang mga corrupt sa Immigration. Maski noon pa ay marami nang corrupt sa nabanggit na tanggapan ng pamahalaan. At maski ang Immigration commissioner ay sangkot sa katiwalian.
Ang isang magandang malaman, hinatulan na ng Sandiganbayan ang dating Immigration official. Napatunayan na mayroon siyang pagkakasala. Ang hatol sa dating Immigration official ay 12 taong pagkabilanggo. Iyan ay dahil sa graft and corruption at pagpalsipika ng public documents. Ang Immigration official na hinatulan ay si Zafiro Respicio.
Nag-ugat ang pagkaka-convict kay Respicio nang payagan niyang makaalis ng bansa ang 11 Indians sa halip na pigilan ang mga ito. Ang 11 Indians ay nahuli ng National Bureau of Investigation habang nasa isang drug laboratory sa Parañaque City noong July 4, 1994. Kinasuhan ang mga Indians ng violation sa Dangerous Drugs Act of 1972. Sa ilalim ng batas, ang pagma-manufacture ng droga ay nonbailable crime at may parusang kamatayan. Nagfile ng requests for deportation ang mga Indians sa Bureau of Immigration. Mabilis na inaprubahan ni Respicio at kanyang mga associate commissioners ang deportation ng mga Indians sa kabila na isinasagawa ang preliminary investigations sa mga ito. Nakaalis ang mga gumagawa ng droga at marahil ay naghahalakhakan sapagkat natakasan ang parusang kamatayan sa Pilipinas. Iyan ay dahil sa corrupt na Immigration officials.
Linisin ang Immigration sa mga corrupt. Lambatin pa ang mga masisiba. Kung hindi sila malalambat hindi na makakaahon sa masama nilang reputasyon ang Immigration. Kakahiya!