Pero kung si Boy Abang ay malungkot, masaya naman ang isa pang financier ng bookies ng karera sa Maynila na si SPO3 Bartolome Tom Sacueza. Kasi nga, ang umaabot na 300 butas na iniwan ni Apeng Sy sa pag-abroad niya ay napunta kay SPO3 Sacueza anang mga pulis sa MPD na aking nakausap. Mukhang mahina ang dating ng bagyong Sandoval, De Castro at Pancho kay SPO3 Sacueza kayat nakatayo pa siya.
Karamihan sa mga puwesto ni SPO3 Sacueza ay matatagpuan sa mga sakop ng Station 6, Station 10 at Station 5, anang taga-MPD. Kung hindi takot si SPO3 Sacueza kina Sandoval, De Castro at Pancho, aba lalong hindi siya matitinag nina Atienza at Sr. Supt. Danilo Abarzosa, ang OIC ng MPD, di ba mga suki? May padrino kayang malakas si Sacueza kina Varilla, Atienza at Abarzosa? O malakas lang siyang mag-abot ng lingguhang intelihensiya? He-he-he! Ibubulgar ko ang mga puwesto ni SPO3 Sacueza sa buong Maynila sa darating na mga araw.
Matatandaan na ipinasara ni Abarzosa ang mga pasugalan sa Maynila nang iupo siyang OIC ng MPD noong nakaraang Agosto. Pero mukhang papogi lang ang aksiyon niya. Ayon sa mga kausap ko sa MPD, dalawang linggo ng bukas ang mga pasugalan sa Maynila at siyempre, tumatamasa na ng grasya sina Abarzosa at Atienza, di ba mga suki? Ang usapan pala, ay ang mga tagong butas o puwesto lang muna ang bubuksan para hindi mapahiya si Atienza. Di ba, kaya nagsara itong si Apeng Sy dahil matigas ang ulo niya at mga delanterang butas ang unang binuksan niya? Kung naipasara ni Atienza si Apeng Sy ay bakit hindi niya maikumpas ang kamay na bakal niya laban kay SPO3 Bartolo-me Sacueza? Kasi nga, marami sa binuksang butas ni Sacueza ay delantera.
Kaya siguro nagbukas ang mga pasugalan sa Maynila dahil permanente na si Abarzosa sa MPD nga. Subalit OIC pa rin siya ay may pagkataon na sesemplang pa siya, di ba mga suki? Pakitang-tao lang pala ang pagsara ng pasugalan sa Maynila.
Abangan!