Pero malaking pagkakamali na naitatag ang dalawang ahensiyang ito sapagkat nagbigay-batik sa Philippine National Police (PNP). Lalo nang nalubog sa kumunoy ng kahihiyan sapagkat may mga pulis na miyembro ng PDEA at AIDSOTF sa halip na gampanan ang tungkulin na wakasan ang pamamayagpag ng mga drug lords at mga shabu laboratories, nangunguwarta lamang sa mga hinuhuli nilang sangkot sa drugs sa pamamagitan ng extortion. Tataniman ng mga tiwaling agents ng PDEA at AIDSOTF ang napiling biktimahin at presto, kukuwartahan na nila.
Hindi pa natatagalan nang magkaroon ng nakawan ng shabu sa bodega ng PDEA at ang mga agents na pulis din doon ang nagnakaw. Dalawang pulis na mataas ang ranggo ang "utak". Kinasabwat ng pulis ang dalawang guwardiya at ginamitan ng boltcutter ang rehas ng bodega. Ilang kilo ng shabu na nagkahahalaga ng milyong piso ang nanakaw. Ang shabu ay mga ebidensiyang nakatago sa PDEA. Naaresto na ang mga pulis na sangkot.
Kamakalawa, sikat na naman ang PDEA at AIDSOTF sapagkat naaktuhan sila habang nasa isang restaurant sa Quezon City. Kasama ng walong agents ng PDEA at AIDSOTF ang isang wanted na pulis sa kidnapping for ransom. Ang ipinagtaka ng mga arresting officers ay nakita nila sa loob ng van ang anim na hinihinalang drug pushers na nakapiring at nakatali. Hinihinalang inaresto ng PDEA at AIDSOTF ang anim sa drug pushing at saka kukuwartahan. Hinuli raw sa Pampanga.
May batik na naman ang PDEA at AIDSOTF at maaaring hindi na maalis ang batik na ito. Sisihin ang mga "bugok" na "alagad ng butas" ng dalawang ahensiya. Mas makabubuti kung buwagin na ang mga ahensiyang ito at saka bumuo ng isang mapagkakatiwalaan at tapat na organisasyon na nakatuon sa pagwasak ng illegal drugs sa bansa.