Anang charge sheet, nagtulungan silang itago sina 1st Lt. Lawrence San Juan, Sonny Sarmiento, Nathaniel Rabonza at Patricio Bumidang, mga Magdalo na tumakas mula sa Army stockade, Fort Bonifacio, nung Enero. Sinangkot sila mismo ni Bumidang, na state witness na ngayon.
Kasabwat din sa paghadlang ng hustisya ang apat pa: Sina Magdalo lawyer Ruel Pulido, Christina Antonio, Jaime Regalario, at Catholic Bishop Antonio Tobias. Dinetalye ni Bumidang kung paano linipat-lipat ang apat na pugante sa iba-ibang hideout. Sina San Juan at Sarmiento, aniya, ay hinatid ni Belmonte sa bahay ni Tobias sa Fairview, Quezon City.
Pero kataka-taka, hindi kinasuhan sina Pulido, Antonio, Regalario at Tobias. Mas mahimala ang huli si Bishop Tobias dahil hiwalay na itinugak ni San Juan na si Tobias nga ang nagtago sa kanila ni Sarmiento.
Nang mabalita ang naunang salaysay ni San Juan nung Hunyo, inamin mismo rin ni Tobias ang pagkupkop. Sumunod dun yung raid sa safe house nina Bumidang sa Filinvest Homes, gilid ng Batasan, kung saan pinaplano ng Magdalo ang pagpapasabog sa Kongreso kasabay ng State of the Nation ni Gloria Arroyo. Ang safe house ay inupahan ni Tobias para sa Magdalo miski mahal gamit ang pera ng Diocese of Novaliches.
"Subukan niyo kong kasuhan," maaalalang hamon noon ni Tobias, na tinutuya ang batas. Nanaig ang nais niya. Natakot ang fiscal na ihabla siya, miski umamin na sa publiko ng pagtaguyod sa marahas na Magdalo.
Ang masaklap lalo, kinukunsinti pa si Tobias ni Catholic Bishops Conference president Archbishop Angel Lagdameo. Hayon, patuloy nanghihingi si Tobias ng abuloy, marahil para sa bagong pasasabugin.