Ang problemang ito ang sinisikap tugunan ng Department of Education (DepEd). At ang kanilang solusyon ay ang school feeding program. Mayroon nang nakalaang budget para sa feeding program ng mga batang estudyante sa buong bansa. Noong 2005, ang allocated budget na inilaan para sa feeding program ay P60 million. Ngayong 2006 ay biglang lumaki ang allocated na budget at umabot sa P2.5 billion. Sa susunod na taon ay mas lalo pang malaki ang panukalang budget na aabot sa P4 billion.
Pero ang nakapagtataka rito, sa P4 billion na budget para sa feeding program sa 2007 halos lahat ay mapupunta lamang sa pambili ng bigas. Yes, bigas lamang ang napagtutuunan ng DepEd na ibigay sa mga school children para malunasan ang kanilang dinaranas na kagutuman. Ayon sa report, P3.9 billion ang nakalaan para pambili ng bigas. Halos buong P4 billion na budget sa feeding program ay para lamang sa bigas. Malaking pera ito na makikinabang ay mga magsasaka. Pero sinong magsasaka ang makikinabang? Ngayon, halos lahat ng bigas na nasa merkado ay iniimport ng National Food Authority (NFA) sa Thailand at Vietnam. Kaya malinaw na mga magsasakang Thai at Vietnamese ang nakikinabang sa halip na mga magsasakang Pinoy.
Ang ginagawa ng DepEd ay binibigyan ng tig-iisang kilo ng bigas ang mga batang estudyante at iuuwi na ito sa bahay. Sa ganitong sistema, hindi ang malnutrition ang nilulunasan kundi ang kahirapan sa pagkain ng pamilyang Pinoy. Pati magulang ng bata ay nakikinabang sa bigas subalit hindi ito ang layunin ng feeding program ng DepEd. Ang layunin ng feeding program ay malunasan ang malnutrition. Sa sistemang libreng bigas, tuturuang maging tamad ang magulang. Aasa na lang sa bigay.
Sa halip na bigas ang ibigay sa mga bata, gatas at iba pang masustansiyang pagkain ang ipagkaloob. Timplahin na ang gatas at saka ipainom sa mga bata. Direktang pupunta sa kanilang katawan ang sustansiyang kailangan ng katawan. Malaki ang P4-bilyong budget at maraming gatas at mabitaminang pagkain ang mabibili para sa kalusugan ng mga school children. Kung bigas ang ibibigay, pag-uugatan lamang ito ng corruption. Marami ang magkakaroon ng kickbacks.