Akala ko tapos na ito sapagkat ginamit nang basehan diumano ang resulta ng mga nasabing imbestigasyon para magpahayag si President Arroyo na dapat mag-retake ang mga examinees.
Subalit lumilitaw ngayon na hindi pa pala pinal ang announcement ni Arroyo. Hihintayin pa rin daw ang final results ng investigation ng NBI. Ang ipinagtataka ko lamang ay kung bakit tumatagal ang desisyon ng gobyerno. Baka may inaayos? Kaduda-duda na ang tagal ng pagdedesisyon.
Duda ko ay maraming nakikialam sa desisyon. Kanya-kanyang bulong siguro kay GMA. Hinala ko dahil maraming nagbubulong, natataranta na si GMA kung ano ang magiging desisyon. Kung tutuusin, hindi mahirap desisyunan ang bagay na ito. May mga basehan naman at maraming ebidensiya. Dapat lamang na malapit sa katotohanan ang maging desisyon at tapos na ang problema.
Habang nakabinbin ang eskandalong ito, lumulubog naman ang imahe ng Pilipino nurses sa paningin ng ibang bansa. Ngayon ay hindi muna kumukuha ng mga Pinoy nurses ang mga hospital sa US, Europe at Asian countries.
Tama lamang na mag-retake ang 2006 examinees para matapos na ang kontrobersiya at maibangon ang dangal ng Pinoy nurses. Sana rin ay siguruhin ng pamahalaan na hindi na mauulit ang leakage.