Kagaya ng nangyaring pambobomba sa Makilala, North Cotabato noong Martes ng gabi. Labindalawa katao ang patay at 31 ang sugatan. Nangyari ang pambobomba malapit sa munisipyo kung saan ang mga tao ay nagkakatipun-tipon dahil siniselebra ang 52nd foundation day. Isang lalaki umano ang nag-iwan ng isang plastic bag makaraang bumili sa isang stall. Pagkaalis ng lalaki, sumabog na ang bomba. Ayon sa pulisya, 81-mm mortar ang ginamit. Bago ang pambobomba sa Makilala, isang bomba rin ang sumabog sa isang public market sa Tacurong City, Sultan Kudarat at anim na katao ang nasugatan. Nakalagay ang bomba sa isang plastic bag na may lamang corn chips. Isang guwardiya ang nakapansin sa bag at mabilis na nailayo iyon bago sumabog.
Wala pang umaako sa pambobomba sa North Cotabato at Sultan Kudarat subalit malaki ang paniniwalang mga teroristang Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah ang nasa likod ng mga pambobomba. Ganti umano ang pambobomba sa ginawang pag-aresto sa asawa ng JI member na si Dulmatin. Si Dulmatin, isang Indonesian at kababayang si Umar Patek ay kasalukuyang kinukupkop ni Abu leader Khadaffy Janjalani. Ang tatlo ay kapwa may patong na malaking pera sa ulo mahuli lamang ang mga ito. Ang dalawang Indonesian terrorists ang nambomba sa Bali, Indonesia noong 2004 na ikinamatay ng 92 Australians. Naaresto ang asawa ni Dulmatin, at dalawang anak sa Patikul noong October 3. Ito ang nagsisilbing courier at tagasuplay ng pagkain at iba pang mga kailangan ng terorista habang nagtatago sa kagubatan.
Walang kinikilalang kapwa ang mga terorista. Patay kung patay sila. Kailangan ngayon ng mamamayan ang ibayong pag-iingat upang hindi mabiktima ng mga "uhaw sa dugo". Maging mapagmasid at talasan ang pakiramdam. Ireport kung may makitang mga kahina-hinalang tao sa inyong paligid. Obserbahan kapag may nag-iwan ng bag, supot, at iba pang kahina-hinalang lalagyan.