Tulad ng karaniwang Pilipino, hangad ng sundalo magka-sariling bahay. Doon niya makakapiling ang pamilya; iyon ang matatawag niyang sariling palasyo miski maliit; doon siya magreretiro. Ang epekto sa sundalo ng sariling bahay ay tulad ng sa karaniwang Pilipino. Nagkaka-dignidad, sumisipag, napapanatag siya. Ang kaibahan ng sundalo sa karaniwang tao ay sila ang inaasahang magbingit buhay sa pagtatanggol ng seguridad. Kaya dapat lang ma-priority ang sundalo sa pabahay.
Bago maging AFP head, si Gen. Hermogenes Esperon din mismo ang bumawi ng Jusmag Housing mula sa mga retiradong heneral para magamit ng mga nasa active duty. Bilang Army chief, inimbitahan din ni Esperon ang Gawad Kalinga at Habitat for Humanity na tumulong sa mga sundalo magtayo ng sariling bahay. Sinimulan niya ito sa 12,225 lote sa 505 ektarya sa Fort Magsaysay (Nueva Ecija), Camps Bahian (Bukidnon), dela Cruz (Isabela), at Peralta (Capiz).
Tinutuloy ni Tolentino ang plano ni Esperon sa 9,839 pang lote sa 272 ektarya sa Camps San Andres (Rizal), Ramos (Pangasinan), Downes (Leyte), Lukban (Samar), Daza (Western Samar), Kilat (Negros Oriental), Minoyan (Negros Occidental), Jismundo (Aklan), Kapatagan (Lanao del Norte), Orayao (Misamis Occidental), Lucero (North Cotabato, at Sang-an (Zamboanga del Sur). Bukod pa ang 19 na bagong barracks sa ibat-ibang kampo upang matirhan ng mga sundalo habang malayo ang destino.
Mabutit top brass na mismo ang umaasikaso ngayon sa pabahay ng sundalo. Malaki ang pag-asang matapos. Hindi lang baril at uniporme ang kailangan ng mga sundalo. Tao sila na naghahanap ng katiwasayan.
Abangan: Linawin Natin, tuwing Lunes, 11:45 p.m., sa IBC-13.