Malapit na ngang ma-extradite ang alipores ni Estrada at kung magiging mabilis at patas ang paggulong ng hustisya ay maaaring matanggap ni Ang ang kanyang parusa. Ang kasong plunder ay may katapat na parusang kamatayan.
Ang tanong ngayon ay kailan naman kaya maeextradite ang alipores ni President Arroyo na si dating Agriculture Usec. Jocelyn "Joc-joc" Bolante? Si Bolante ay hinuli rin sa US at kasalukuyang nakakulong doon. Pinahuhuli ng Senado si Bolante para sagutin ang mga katanungan sa P728-milyong fertilizer fund. Ang fertilizer fund ay dinivert sa campaign fund ni Mrs. Arroyo sa halip na mapunta sa mga magsasaka. Ilang beses nang ipinatawag ng Senado si Bolante subalit naging mailap ito. Hanggang sa mahuli nga siya ng Immigration officials. Mula noon ay hindi malaman kung nasaan na si Bolante.
Marami ang naiinip sa pagsulpot ni Bolante. Marami na rin ang naghihintay kung paano siya gigisahin sa maanomalyang fertilizer fund. Maraming tanong tiyak kung bakit nagawa ni Bolante na idivert ang pondo para sa campaign fund ni Mrs. Arroyo. Sino ang utak?
Nasaan na si Bolante? Walang makapagsabi kung ano na ang nangyayari. Mabuti pa si Ang at malapit nang bumalik para magisa na sa mga kasalanan niyang ginawa. Ganito rin ang dapat ang gawin kay Bolante.