Bilang sagot sa reklamo, iginiit ng mag-asawang Fabros na hindi nabanggit ng mga Villas sa demanda nito ang mahalagang alegasyon na susuporta sa reklamong ejectment o sapilitang pagpapaalis na ang pananatili ay ilegal. Dapat din daw na isinaad sa demanda ang pagtatapos ng naibigay nilang karapatan na okupahan ang lote; o natapos na ang pagkunsinti ng mga ito sa kanilang pananatili sa lote. Tama ba ang mag-asawang Fabros?
TAMA. Ang reklamong unlawful detainer ng mga Villas laban sa mga Fabroses ay hindi mabibigyang-katwiran dahil hindi naisaad ang mahalagang alegasyon ng nabanggit. Tanging nakasaad lamang ang pag-okupa ng mga Fabroses sa lote sa pamamagitan ng pagtatayo ng bahay nang walang anyo ng titulo kung kaya naipagkait sa kanila ang pamumusesyon dito. Hindi rin nabanggit kung paano nakuha ng mga Fabroses ang pamumusesyon at kung paano at kailan nagsimula ang pag-agaw ng pamumusesyon ng mga ito. Wala ring umiiral na kontrata sa pagitan ng mga partido.
Masasabing ang pag-okupa ng mga Fabroses ay palihim na ginawa, lingid sa kaalaman ng mga Villas kung kaya ang pamumusesyon ng mga ito ay isang forcible entry o sapilitang pagpasok at hindi unlawful detainer.
Samakatuwid, walang kapangyarihang magpas-ya ang MTC sa kasong ito dahil hindi nabanggit sa demanda ang alegasyon ng hurisdiksyon. Gayunpaman, kung totoo man ang titulo sa pangalan ng mga Villas, maaari silang maghain sa RTC ng accion reivindicatoria o aksyon upang mabawi ang kanilang pagmamay-ari at pamumusesyon sa nasabing lote (Spouses Valdez vs. Court of Appeals, G.R. 132424, May 4, 2006).