‘Patayan sa Noche Buena...’

MINSAN LANG sa isang taon ang magdiwang ng Pasko, Bagong Taon at karamihan sa atin ay sadyang pinaghahandaan ito.

Dapat sana ay masayang nagsasalu-salo at nagdiriwang ang pamilya ng biktima nang Noche Buena subalit napakalungkot isipin na ang gabi bago mag-Pasko ay isang trahedya ang magaganap sa pamilya Javier.

Inilapit sa aming tanggapan ni Venus Pili ng Cavite City ang kaso ng pamangkin nitong si Jilbert Javier.

Bisperas ng Pasko, ika-24 ng Disyembre 2005 halos lahat ng tao ay abala sa paghahanda kabilang na dito ang pamilya Javier. Sinabihan ni Jilbert ang ama, si Rolando nito na huwag munang iluto ang kanilang handa para sa Noche Buena subalit hindi rin daw inintindi nito ang bilin ng anak.

Maaga pa lang ay iniluto na ni Rolando ang kanilang pang-noche buena at pagkatapos ay nakipag-inuman sa mga kaibigan. Labis namang ikinagalit ni Jilbert ang ginawang pagpapakain ng kanyang ama sa mga kainuman nito ang dapat sana ay kanilang handa.

"Nagalit si Jilbert sa ama niya dahil pinulutan lamang ng mga kaibigan nito ang kanilang pagkain. Nagkasagutan ang mag-ama at pagkatapos noon ay lumabas ng bahay si Jilbert," kuwento ni Venus.

Kausap naman ni Jilbert si Realito Solis at naikuwento nito ang pag-aaway nilang mag-ama. Samantala nakainom din noon ang biktima. Lumabas naman ng bahay si Rolando para hanapin ang anak. Nagkataon namang paglabas nito ay nakita niya ang kaibigang pulis, si P/Supt. Mamerto Poblete na suspek din sa kasong ito.

Nabanggit ni Rolando kay P/Supt. Poblete ang pag-aaway nila ni Jilbert. Pinakiusapn nito na kung maaari ay kausapin ang anak para pagsabihan. Ilang sandali pa lamang nakakalipas ay nakita naman nito ang kanyang anak na nasa isang tindahan. Sinabihan nito ang kanyang anak na umuwi na subalit ayaw pang umuwi ni Jilbert.

Sa puntong ito, dumating naman ang suspek at kinausap nito si Jilbert hinggil sa pag-aaway nilang mag-ama. Sumagot naman ito na ‘Sir, wala kaming problema, away namin ito ng aking Papa’. Pagkatapos ay bigla na lamang hinawakan ng suspek ang biktima sa sinturon nito at hinila.

"Habang hinihila ni Poblete si Jilbert sinabi daw nito na hindi siya lalaban habang nakataas pa ang mga kamay nito at pagkatapos ay tinabig daw nito ang kamay ng suspek," sabi ni Venus.

Ayon pa kay Venus, naglakad na noon ang kanyang pamangkin papalayo sa suspek subalit sinundan pa rin ito. Pilit pa rin nitong hinihila si Jilbert at muling nagsabing ‘Sir, hindi po ako lalaban!’ sabay tabig muli sa kamay nito.

Naglakad papunta sa isang kubo si Jilbert upang umiwas subalit muli pa rin itong sinundan ni P/Supt. Poblete. Binunot daw nito ang kanyang baril at ikinasa ito. Pagdating sa kubo hinawakan ng suspek ang baywang ng biktima at muli na namang tinabig ng huli. Tinaas ang mga kamay at ikatlong pagkakataon ay sinabi nitong hindi siya lalaban.

Pagkaraang sumagot ay bigla na lamang pinalo sa kaliwang tagiliran si Jilbert ni P/Supt. Poblete. Paulit-ulit pa rin sinabi ng biktima na hindi siya lalaban, sabi ni Venus. Nagpunta na lamang si Jilbert kay Realito pero sinundan ito uli ng suspek.

"Tinaas na uli ng pamangkin ko ang mga kamay niya at pilit niyang sinasabi kay Poblete na hindi siya sa lalaban pero talagang ayaw siyang tigilan dahil kahit saan siya magpunta ay sinusundan pa rin siya nito hanggang sa pinalo pa sa ulo si Jilbert ng baril nito," salaysay ni Venus.

Pagkaraan ng ilang sandali ay bigla na lamang pumutok ang baril. Humarap si Jilbert kay Realito at sinabi nitong may tama siya. Samantala naroroon din ang ama ng biktima, si Rolando. Umalma na rin daw ito nang makita nitong sinasaktan ang kanyang anak.

Nang makita nitong may tama ang anak ay agad nitong nilapitan at niyakap ito hanggang sa pagmumurahin na lamang nito ang suspek sa ginawang pamamaril kay Jilbert.

Samantala agad namang humingi ng tulong si Rolando upang madala sa ospital ang kanyang anak habang ang suspek na si P/Supt. Poblete ay mabilis na tumakas matapos ang ginawang krimen.

Dinala sa Cavite Medical Center ang biktima subalit sa kasamaang palad ay hindi na rin ito umabot pang buhay. Nagsampa ng kasong murder ang pamilya laban sa suspek. Mariin namang nitong pinabulaanan ang mga pahayag ng mga testigo at sa katunayan nito ay nag-counter charge ito kina Realito at Rolando para sa kasong Attempted Murder, Robbery at Direct Assault.

Matapos ang imbestigasyon sa piskalya lumabas ang resolution ni Prosecutor Vivian Monzon-Rojo. Mula sa murder ay na-downgrade ang kaso sa homicide habang ang kasong isinampa ni P/Supt. Poblete laban kina Realito at Rolando ay na-dismiss.

Gayunpaman, umaasa ang pamilya ng biktima na mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Jilbert. Hangad nilang pagbayaran ng suspek ang ginawa nitong krimen.

Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ‘di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail address: tocal13@yahoo.com

Show comments