Ang mga dukha ang labis na apektado sa pagdaan ng bagyo. Lalo pang naging miserable ang buhay dahil sa pananalasa ng bagyo. Walang matakbuhan sa kagipitan. Bagamat walang masisisi sa nangyaring ngitngit ng kalikasan, nararapat namang pag-ibayuhin ng pamahalaan ang pagsisikap para lubusang maibalik ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Mistulang nagbalik sa lumang panahon ang Pilipinas kung saan ilawang de gaas ang gamit sa gabi. Ang matindi pa ay walang magamit na malinis na tubig. Nakatatakot na magkaroon ng sakit ang mga residenteng naapektuhan ng bagyo. Maaaring dumami ang mga lamok na may dengue dahil sa namamayaning karimlan sa maraming lugar. At kung tatlong linggo pa bago maibalik ang buong power supply, nakapapangambang marami na ang mabiktima ng dengue sa haba ng panahong ito.
Marami ang nangangailangan ng tulong at ang nararapat gawin ni President Arroyo ay atasan ang kanyang mga opisyal para maibigay ang naaangkop at agarang tulong sa mga nasalanta. Buong puwersa ng gobyerno ang nararapat sa pagkakataong ito. Hindi dapat manaig ang pulitika sa pagkakataong ito. Hindi rin naman dapat samantalahin ng mga pulitiko ang nakaaawang kalagayan ng mamamayan sa pagkakataong ito. Tiyak na maraming nag-aambisyon sa 2006 elections ang magpapapogi na. Kunwari ay taos sa puso ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo pero iyon palay paimbabaw lamang. Itakwil ng mamamayan ang mga pulitikong gagamitin ang bagyo sa kanilang ambisyon.
Ilatag nang todo ang tulong sa mga nasalanta para hindi sila lubusang maging kawawa.