^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Walang tubig, walang kuryente

-
TATLONG linggo pa bago muling maibalik ang kuryente sa mga lugar na pininsala ni "Milenyo", ito ang sinabi ni Energy Secretary Raphael Lotilla. Pinaka-grabeng nasalanta ng bagyo ang Bicol Region. Bukod sa walang kuryente marami ring lugar ang nananatiling walang tubig. Maraming tubo ng gripo ang nasira dahil nabagsakan ng billboards, poste ng kuryente, punungkahoy at niyog. Limang araw na ang nakalilipas mula nang manalasa si Milenyo subalit sariwang-sariwa pa ang iniwan niyang bangis. Mahigit 100 katao ang namatay at marami ang nasugatan sa pananalasa ng bagyo. Tinataya namang P4 bilyon ang halaga ng mga nasirang ari-arian.

Ang mga dukha ang labis na apektado sa pagdaan ng bagyo. Lalo pang naging miserable ang buhay dahil sa pananalasa ng bagyo. Walang matakbuhan sa kagipitan. Bagamat walang masisisi sa nangyaring ngitngit ng kalikasan, nararapat namang pag-ibayuhin ng pamahalaan ang pagsisikap para lubusang maibalik ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Mistulang nagbalik sa lumang panahon ang Pilipinas kung saan ilawang de gaas ang gamit sa gabi. Ang matindi pa ay walang magamit na malinis na tubig. Nakatatakot na magkaroon ng sakit ang mga residenteng naapektuhan ng bagyo. Maaaring dumami ang mga lamok na may dengue dahil sa namamayaning karimlan sa maraming lugar. At kung tatlong linggo pa bago maibalik ang buong power supply, nakapapangambang marami na ang mabiktima ng dengue sa haba ng panahong ito.

Marami ang nangangailangan ng tulong at ang nararapat gawin ni President Arroyo ay atasan ang kanyang mga opisyal para maibigay ang naaangkop at agarang tulong sa mga nasalanta. Buong puwersa ng gobyerno ang nararapat sa pagkakataong ito. Hindi dapat manaig ang pulitika sa pagkakataong ito. Hindi rin naman dapat samantalahin ng mga pulitiko ang nakaaawang kalagayan ng mamamayan sa pagkakataong ito. Tiyak na maraming nag-aambisyon sa 2006 elections ang magpapapogi na. Kunwari ay taos sa puso ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo pero iyon pala’y paimbabaw lamang. Itakwil ng mamamayan ang mga pulitikong gagamitin ang bagyo sa kanilang ambisyon.

Ilatag nang todo ang tulong sa mga nasalanta para hindi sila lubusang maging kawawa.

BAGAMAT

BAGYO

BICOL REGION

BUKOD

BUONG

ENERGY SECRETARY RAPHAEL LOTILLA

ILATAG

MILENYO

PRESIDENT ARROYO

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with