EDITORYAL – Ilayo ang billboards sa highway

TINESTING ni "Milenyo" ang mga higanteng billboards kamakalawa ng tanghali at ang resulta, mahigit 20 ang bumagsak. Ang ibang hindi bumagsak ay nagkapili-pilipit at parang latang nagkayupi-yupi. Pero ang pinakamasaklap ay ang pinsalang idinulot ng mga bumagsak na billboards particular sa kahabaan ng EDSA. Maraming sasakyan ang nawasak nang mabagsakan ng billboards. May mga bahay na nasira dahil sa paglipad ng mga tarpaulin at mga pirasong bakal. Ang ilan sa mga bahagi ng billboards ay sumabit sa mga kawad ng kuryente at mga telepono. Ang karamihan sa mga billboards ay bumagsak sa kalsada na naging dahilan para magkaroon ng grabeng trapik sa EDSA at sa bahagi ng North at Luzon Expressways. Iniiwasan ng mga motorista ang bumagsak na billboards.

Walang naiulat na namatay kaugnay nang pagbagsak nang maraming billboards pero maraming sasakyan at bahay naman ang napinsala. Hihintayin pa kayang may mamatay para lubusang magising ang mga pinuno at ang mga advertising agencies na nagmamay-ari ng billboards para ilayo ang kanilang istruktura? Hihintayin pa bang umabot sa mga mas malalagim pang pangyayari bago umaksiyon sa maling pagtatayo ng mga billboard?

Noong nakaraang taon pa naging kontrober- siya ang mga higanteng billboard sa EDSA. Nakalarawan sa mga billboard ang mga seksing larawan ng babae at nagiging dahilan para ma-distruct ang atensiyon ng motorista. Bukod sa nakaaakit na larawan ng mga babae, nakasisilaw din naman ang mga inilalagay na ilaw sa billboards. Sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando, na mali ang pagkakalagay ng mga billboard sa mga tabing kalsada o highway at bukod doon ay mahihina rin ang istruktura. Ayon kay Fernando, nararapat na malayo sa highway ang mga istruktura.

Napatunayan kung gaano kahina ang istruktura ng mga billboard nang hagupitin ni "Milenyo". Hindi naikaila nang sunud-sunod na magbagsakan ang mga billboard. Sa isang iglap ay naging kalansay ang mga billboard at saka lumagpak sa lupa. Nagswak sila sa mga sasakyan at nagdulot nang grabeng trapik sa maraming lugar sa Metro Manila.

Hihintayin pa bang may mamatay bago pa umaksiyon ang pamahalaan sa mga billboard na sa tabing highway? Nakita na ang resulta kaya hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa. Ilayo ang mga billboards sa tabing kalsada!

Show comments