^

PSN Opinyon

‘Huwag mawalan ng pag-asa’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
Nailathala ko sa aking column ang kasong inilapit sa amin ni Erly Martin ng Pasig City ang kasong Double Murder at Multiple Attempted Murder laban sa pulis na si PO1 Bedo Montefalcon.

Ika-29 ng Mayo 2005 bandang alas-11:45 ng gabi lulan ng isang tricycle na minamaneho ng isa sa mga biktima, si Alvin dela Cruz kasama sina Dinil Dale Gaveria, Tercila Flores, Timothy James Gueverra at Alvedon Cruz. Habang binabagtas ng mga ito ang kalye ng F. Manalo St., Brgy. Sto. Tomas, Pasig City malapit sa Fire Department, isang Isuzu Crosswind ang nag-cut sa dinadaanan ng tricycle hanggang sa ipinatigil ito.

Isang lalake na naka-uniporme ng pulis ang sakay nito ang bumaba at nilapitan ang mga biktima. Nakilala naman ng mga biktima ang pulis na ito, si PO1 Bedo Montefalcon. Kinausap nito si Donil Dale habang hawak ng kaliwang kamay nito ang buhok ng biktima at sa kanang bahagi naman ay ang baril nito. Pagkatapos ay walang sabi-sabi nitong binaril ang biktima na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Matapos ang ginawang pamamaril ay bumalik na si PO1 Montefalcon sa kanyang sasakyan. Samantala tinulungan naman ng magkakaibigan ang biktima para dalhin sa ospital si Donil hanggang sa muling magpaputok ang suspek sa magkakaibigan at si Alvin dela Cruz naman ang tinamaan. Dinala sina Donil at Alvin sa ospital subalit dead-on-arrival na ang dalawa.

Nagsampa ng kasong criminal at administrative ang pamilya ng mga biktima laban sa suspek. Inilapit sa amin ang kasong ito upang mapabilis ang paglabas ng resolution kung saan si State Prosecutor Misael Ladaga ang may hawak ng kaso. Subalit dismayado ang pamilya ng biktima nang ma-dismiss ang kasong ito.

Agad namang nag-file ng PETITION FOR REVIEW patuloy pa rin sa pagpa-follow up ang pamilya ng mga biktima. Tinutukan ng CALVENTO FILES at ng programang HUSTISYA PARA SA LAHAT ang kasong ito. Nangako si Department of Justice Secretary Raul Gonzalez na tutulungan niya ang pamilya ng mga biktima. Kamakailan ay lumabas ang resolution sa petition for review at na-reverse ang resolution ni State Prosecutor Misael Ladaga. Kasong double murder at multiple attempted murder ang kasong isinampa laban kay PO1 Bedo Montefalcon.

Sa puntong ito, nais kong sabihin na ang Office of the Secretary of Justice, ang DOJ Secretary found the case meritorious and that there was probable cause para i-reverse at ang findings ni Prosecutor Ladaga.

Para naman sa pangalawang kasong natulungan din ng programang ito ay ang kasong ni Andy Alemania na inilapit sa amin ng kapatid nitong si Joebeth kasama ang kanilang ina, si Elizabeth.

Bago maganap ang insidente nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nina Andy at Jose Tampoco, pinsan ng suspek na si Lito Tampoco. Ayaw umano ni Andy na palakuin ng mga isda sa Brgy. Duran si Andy. Ipinagbigay-alam nito ang nangyari sa kanila ni Jose.

Ika-15 ng Enero 2006 ang huling pag-uusap nina Elizabeth at si Andy. Nabanggit ng biktima sa kanyang ina na ayaw na rin nitong manirahan pa sa kanilang probinsiya dahil sa mga napapabalitang krimen doon. Pinayuhan pa ito ng kanyang ina.

Ika-18 ng Pebrero 2006 fiesta sa bayan ng Balatan at may sayawan ding nagaganap sa Doña Amparo Memorial Hall sa Brgy. Siramag. Samantala nagpasya umanong pumunta si Andy sa nabanggit na sayawan para manood dito at magsakay na rin sa mga taong nais na umuwi.

Maraming kaibigan ang umano’y nagyaya sa biktima para uminom ng alak subalit tinanggihan niya ito at mas ninais pang maghanapbuhay. Bandang alas-11 ng gabi nang makita ni Albert Sambahon, pinsan ng biktima na tinawag ito ni Ranilo Dapadap alyas Bong.

Pinakiusapan ni Ranilo si Andy na kung maaari ay ihatid ang kanyang bisita nitong si Lito Tampoco na siya ring suspek sa pagpaslang sa biktima. Tinanggihan umano ito ng biktima dahil sa hatinggabi na at gusto na rin nitong magpahinga.

Dalawang lalaki pa ang sumakay sa motorsiklo ni Andy. Kinilala itong sina Ryan Braga at Rolan Rey, ang mga saksi sa krimen. Ayon sa salaysay ng dalawang ito, bandang alas-12 ng madaling araw nang magpasya silang umuwi at naghintay ng masasakyan patungong Pagatpatan, Bato.

Nakita nina Ryan at Rey na sumakay ang suspek sa motorsiklo ni Andy kaya sumakay na rin ang mga ito. Habang binabagtas umano nila ang daan sinabihan ni Lito ang biktima na ihinto ang motor na noon ay nasa Brgy. Coguit, Balatan. Pagkatapos ay bigla na lamang sinaksak ni Lito ang biktima sa bandang likod nito. Dalawang tama ng saksak ang tinamo nito. Nagtatakbo naman sina Ryan at Rey dahil sa takot na sila naman ang balingan nitong si Lito.

Samantala napag-alaman din ni Elizabeth na bago sumakay si Lito sa motorsiklo ay nanghiram umano ito ng kutsilyo kay Ronilo. Ilang barangay tanod naman ang nakakita sa biktima habang nagpapatrolya ang mga ito. Nakahandusay umano ito sa kalsada at wala ng buhay. Agad naman nilang ipinaalam sa mayor ng bayan ang bangkay na natagpuan.

Lumapit sa amin si Joebeth at ang ina nito upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Andy. Matapos ang paghihintay na paglabas ng resolution, pumabor naman ito sa pamilya ng biktima. Nahaharap sa kasong murder ang suspek na si Lito Tampoco at kasama nito.

SA DALAWANG KASONG itinampok natin ngayong araw na ito isang bagay ang ating matutunan. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Ipaglaban natin ang ating karapatan sa ngalan ng Hustisya at Katarungan lalo na kung nasa tama tayo.

Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

ANDY

BEDO MONTEFALCON

BIKTIMA

BRGY

KASONG

LITO

NAMAN

NITO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with