^

PSN Opinyon

‘Pikon sa pag-ibig’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
SA NGALAN NG PAG-IBIG binibigyan lahat ng pagkakataon na manligaw. Kung sinuman ang mapupusuan ng babaeng nililigawan sadyang swerte-swerte lang.

Para naman sa taong mababasted, dapat ay marunong tumanggap ng pagkabigo. Makakahanap din ng babaeng magkakagusto sa inyo. Kung inyong sobrang dadamdamin ang sakit ng inyong puso dahil pikon kayo sa pag-ibig may mas malaking sakit sa ulo ang idudulot ng inyong pagkapikon.

Nagsadya sa aming tanggapan ang mag-asawang Victorino at Myrna Acena ng Napindan, Taguig upang humingi ng tulong hinggil sa kasong isinampa nila laban sa mga suspek.

Bago maganap ang insidente sa pagitan ng pamilya ng biktima at suspek ay mayroon nang hindi pagkakaunawaan sina Jessie Noel na mas kilala sa tawag na Jayson at ang isa sa tatlong mga suspek, si Robert Ibañez.

Nagsimula ang alitan ng dalawa dahil sa isang babae, si Jessica na parehas nilang niligawan. Mas pinili ni Jessica si Jayson, dahilan para magalit sa kanya itong si Robert.

Ika-10 ng Mayo 2006 bandang alas-6 ng gabi sa Pinamana St., Brgy. Napindan, Taguig City nangyari ang insidente. Inutusan ni Myrna ang kanyang anak na si Jayson na bumili sa tindahan para bumili ng gas kung saan dala-dala pa nito ang kanyang bisikleta.

Nagkataon namang may inuman sa bahay ng mga Ibañez noong araw na iyon. Bigla na lamang tinadyakan at sinuntok si Jayson ng isa sa mga suspek, si Robert habang nakasakay ito sa kanyang bisikleta. Dahil dito natumba si Jessie. Hindi na lamang ito gumanti upang hindi na lumala ang gulo.

Akala daw nitong suspek na masama ang tingin ni Jayson sa kanila. Samantala isang kapitbahay naman ang nagpunta sa bahay ng mga Acena at ipinaalam ang insidente.

"Kasama ko ang anak kong si Victorino Jr. upang tingnan kung ano ang nangyari kay Jessie. Nakasalubong na namin noon si Jayson na pabalik na siguro ng bahay," kuwento ni Myrna.

Tinanong ni Victorino at Myrna kay Jayson kung sino ang sumuntok sa kanya. Sinabi naman nitong si Robert ang nanakit sa kanya. Nang malaman naman ito ni Myrna ay agad niyang kinausap si Robert at ang ama nitong si Rolando Ibañez na isa ring suspek sa krimeng ito. Pinagsalitaan ni Myrna ang mga suspek na bakit nito sinaktan ang kanyang anak at ano naman ang naging kasalanan nito sa kanila.

Hindi na nagsalita pa ang mga suspek tungkol sa nangyaring pambubugbog kay Jayson. Bigla na lamang daw itong naghamon ng away, sabi ni Myrna. Palusob namang nilapitan ni Rolando ang biktimang si Victorino nang makita ni Myrna na may binubunot ito ay agad nitong pinuntahan ang kanyang anak.

Samantala pinalo din ng tubo sa ulo ni Robert si Victorino. Lumabas din ang iba pang anak ni Rolando na armado ng isang bolo at sinaksak sa mukha si Victorino, ayon kay Myrna.

Sinubukan ni Mryna awatin ang pananaksak sa kanyang anak subalit maging siya nasaksak din ni Rolando sa bandang tiyan nito. Napigil lamang ang kaguluhan ng umawat ang ilang residente at mga kamag-anak ng biktima.

Matapos ang ginawang krimen ay mabilis namang tumakas ang mga suspek sa lugar na pinangyarihan dala ang patalim at ibang pang ginamit ng mga ito.

"Dinala kami sa Rizal Medical Hospital subalit dead-on-arrival na ang anak ko habang ako naman noon ay agaw-buhay dahil sa tinamo kong saksak," pahayag ni Myrna.

Dahil sa kaguluhang ito, ayon sa mag-asawang Victorino Sr. at Myrna ay hindi sila tinitigilan ng pamilya ng mga akusado. Kadalasan sa gabi daw sila ginugulo at pinagbabantaan. Maging ang kamag-anak nilang si Noli ay pinasok na rin ang bahay at pinagbantaan.

Hangad ng pamilya Acena na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Victorino Jr. at maging pagkakasaksak kay Myrna. Umaasa silang mapapabilis ang proseso ng kaso upang hindi na makapaminsala pa ang mga ito kung ito ay maiisyuhan ng warrant of arrest.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig sa aming programang "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si Department of Justice Secretary Raul Gonzalez at ang inyong lingkod Lunes hanggang Biyernes mula alas-3 hanggang alas-4 ng hapon sa DWIZ am band.
* * *
E-mail address: [email protected]

ACENA

ANAK

JAYSON

MYRNA

SUSPEK

VICTORINO

VICTORINO JR.

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with