^

PSN Opinyon

4 na paraan kung paano bubusalan ang taga-media

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
LAHAT talaga gagawin ng mga kampon ng kasamaan upang busalan ang mga taga-media, lalo ‘yung mga hindi nila makuha sa maayos na usapan.

Una rito, of course ay yung expertise ng mga sinungaling, magnanakaw at mandaraya na silawin sa pera ang sinumang miyembro ng media na naglalabas ng katotohanan pero para sa kanila ay kritiko ng administrasyon.

Aalukin ito ng magagandang mga directorship sa iba’t ibang government corporation na nagkakahalaga ng ilampung libong piso kada buwan puwera pa kung may car plan at iba pang perks.

Kung ayaw naman ng directorship dahil magkakaroon ng ebidensiya na tumatanggap galing sa administrasyon ay pangangakuan naman ng mga ads galing din sa government corporation kung saan makakakuha sila ng commission. Wala nang ebidensiya ito at magmumukha na itong legal at walang derektang transaksyon sa pagitan ng newsman at gobyerno.

Pag tumanggi pa rin ay outright na siyang patitikimin ng payola na mas malaking halaga na iaabot kada buwan pagkatapos magkaroon ng masarap na hapunan o di kaya’y bago magsimula ang kasayahan nila sa mga karaoke bars, nightclubs o iba pang mga bahay aliwan kung saan naglalagi ang ilang mga magagaling na operator.

Lilinawin ko ho, karamihan ho sa miyembro ng media ay tumatanggi sa ganuong uri ng panunuhol kahit na alam kong maliliit ang kanilang mga suweldo. Isa itong bagay na talagang pinagmamalaki ko kaya napipilitan ang mga kampon ng kasinungalingan na i-adopt ang tatlo pa nilang estratehiya upang busalan ang media.

Ang pangalawa ho nilang paraan, ginagawa na ho at nagbunga nang malaking bilang ng media men na napapaslang. Yan ang dahilan kaya nilagay ho ang Pilipinas sa top 5 sa mga bansang pinaka-dangerous sa mga mamamahayag. Ang number one ay ang Iraq na mayroong civil war. Kasama rin ho ang Colombia na pinamumugaran ng mga drug cartel at Algeria na kilala rin sa pagiging magulo. Kakaiba talaga ang husay ni Madam Senyora Donya Gloria at pumasok sa top ang Pilipinas sa kanyang pamamalagi sa Malacañang.

Tuwing magrereklamo ang samahan ng media hindi lang sa akin kung hindi sa ibang bansa ay sasagot ang administrasyon na iniimbestigahan ito, pero hanggang sa araw na ito, walang nahahatulan sa pagpaslang ng media men.

Ang ikatlong paraan ay nagmumukhang legal sa umpisa pero pag hinimay mabuti ay malinaw na pananakot pa rin. Idedemanda ng libel ni Sir Senyor Don Jose Miguel Arroyo ang sinumang kritiko o pumintas sa kanya. Apatnapu’t tatlo na po ang sinampahan niya ng demanda kung saan kadalasan ay patutulugin ang kaso ng konti bago biglang gigisingin at didinigin nang paspasan sabay labas ng warrant of arrest upang hindi makapagpiyansa ang mga miyembro ng media.

Madalas pa ang warrant ay itatapat sa holiday o weekend upang kahit paano ay mataranta ang nasasakdal dahil paano nga naman siya magpipiyansa.

Ang panibagong paraan nila ay ang magkalat ng mga white paper sa pamamagitan ng internet at mga media offices o lugar na hangout ng media. Ang mga white paper ay naglalaman ng mga kasinungalingan laban sa mga taga-media, lalo na mga patuloy na bumabanat sa katiwalian. Puro kasinungalingan ang nilalaman nito pero masyadong personal at dinadamay pa ang pamilya.

Of course hindi ko na sinama sa bilang ang mga death threats o pananakot na ginagawa nila. Bagama’t may epekto ito, hindi na ito masyadong pinapansin dahil mahirap malaman kung alin ang totoo at alin ang gawa ng mga luku-loko lamang.

Lahat ho itong mga nabanggit kong mga paraan ay iisa ang layunin. Obvious na nais nilang sirain ang isa sa natitirang institution na patuloy na lumalaban o hindi sumasang-ayon sa kanila. Paraan nila upang lahat ay takutin, busalan at pigilan ang anumang negatibong lumalabas laban sa administrasyon ni Madam Senyora Donya Gloria.

Palagay ng mga gumagawa nito ay nananalo sila pero meron silang dapat alalahanin, ultimo noong panahon ng batas militar ay hindi umatras ang media. Marami ang kinulong at kinasuhan ng subversion ng panahong yun pero tuloy ang laban.

Dapat isipin ng mga taong ito na sa bawa’t pananakot na ginagawa nila, lalong tumitindi ang galit ng taga media na karamihan kahit nagkakaedad ay puno ng idealismo at pagmamahal sa kalayaang pinaglaban pa ng ating mga ninuno.

Dapat din nilang tandaan, na ang industriya ng media ay parang samahan at kapatiran na hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong mundo.

Tandaan ho nating lahat, laban ito sa pagitan ng kabutihan at kasamaan. Ang karamihan sa media ay nananatiling para sa kabutihan at katotohanan, kasama na ako roon.

Ipaglaban natin ang Katotohanan. Ipaglaban natin ang Kalayaan sa Pamamahayag.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, mag-e-mail sa [email protected] o mag-text sa 09272654341.

DAPAT

IPAGLABAN

KUNG

MADAM SENYORA DONYA GLORIA

MEDIA

PILIPINAS

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with