Ayon kay AdCom Chair Lito Lorenzana, kahit opisyal nang tapos ang kanilang misyon, as mandated under EO-495, bawat isa sa mga miyembro ng AdCom ay patuloy na magla-lobby para sa pagiging parliamentaryo ng sistema ng pamahalaan. Ito raw ang solusyon para makahulagpos ang ekonomiya ng bansa sa paghihirap. Pormal nang nag-report kay Presidente Arroyo ang Komisyon at partikular na pinasalamatan ang Sigaw ng Bayan at ULAP sa malaking tulong ng mga ito sa kampanya sa pagreporma sa Konstitusyon.
Malaking bagay ang nagawa ng ULAP para maipaunawa sa taumbayang nasasakupan nila bilang local officials ang tungkol sa charter change. Sa kabila nitoy wala pa ring habas sa pagbatikos ang mga kumokontra sa panukalang maging parliamentaryo ang sistema ng gobyerno. Kamakailan ngay kinasangkapan ng mga opositor ang naganap na kudeta sa Thailand. Kesyo hindi raw puwedeng sabihing wala nang kudeta sa parliamentary system. Itoy bagay namang maagap na kinontra ni Lorenzana. Ang Thailand, bagamat parliamentaryo ay isa ring monarkiya na may isang "hari" na ang utos ay hindi mababali. Kung disgustado ang hari sa prime minister, puwede niyang imanipula ang pagsibak dito. Hindi monarkiya ang Pilipinas, pagbibigay diin ni Lorenzana.
Tinuran ni Lorenzana ang "vote of no confidence provision" sa sistemang parliamentaryo na pagbobotohan ng mga kasapi laban sa isinusukang punong ministro. Sa ganyang paraan nga naman, maiiwasan ang mga madudugong pag-agaw ng kapangyarihan. Sa sistema kasing ito, ang bawat distrito sa bansa ay maghahalal ng kani-kanilang representante sa unicameral parliament. Wala nang Mababa at Mataas na Kapulungan gaya nang mayroon tayo ngayon na alam naman nating halos walang ginawa kundi magpasiklaban at magbalitaktakan.
Ang mga kasapi ng parliamento ang maghahalal ng Prime Minister. Komo sila ang nag-luklok sa pinuno, sila rin ang may poder na mag-alis dito kapag hindi ginagampanan ng maayos ang tungkulin. Iyan ang konsepto ng parliamentario.
Talagang kailangan pa ang ibayong pagtulak sa advocacy ng AdCom sa harap ng pagsalansan ng ibang sektor sa lipunan. Ang importantey ibayo pang kumbinsihin ang tao sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa kanila sa merito ng sistemang ito. Kung lubos na nauunawaan ito ng tao, mas magiging mabilis ang implementasyon nito kahit pa may sektor politikal na tumututol dito.