Salamat at pagkaraan nang matagal na pananahimik ay kumilos na rin ang CHEd at tiyak na tatamaan na ang mga pasaway na nursing review center. Kamay na bakal umano ang gagamitin ng CHEd sa mga review center na hindi susunod sa batas.
Sinabi ni CHEd Chairman Carlito Puno na naglabas na sila ng bagong implementing rules and guidelines (IRR) na ang mga review center na wala namang nursing schools ay hindi na makapag-ooperate. Matigas ang pahayag ni Puno na kanilang kakanselahin ang mga permit ng nursing review center na hindi susunod sa IRR. Tagilid na raw ang mga review center sapagkat i-evaluate na nang todo ang mga aplikasyon at ang pagre-renew ng kanilang permit. Wala raw makalulusot sa gagawin nilang pagi-screen sa mga nursing review center. Ang mga hindi susunod ay agad ipasasara, ayon pa kay Puno.
Marami pa sa mga kabute ang nagsulputang mga review center sa kabila na wala naman silang nursing schools. At ang matindi na mahal silang sumingil sa mga magre-review. Para bang linta kung sipsipin ang dugo ng mga kawawang magre-review sa nursing board.
Malaking kasiraan sa nursing profession ang nangyaring leakage at ang itinuturo ay ang isang opisyal mismo na may-ari nga ng isang review center. Nakakahiya ang pangyayari na nataon pa naman panahong malakas ang pagtanggap ng US, Canada at ibang bansa sa Middleast sa mga Pinoy nurses.
Higpitan ang mga nursing review center at ang magpupumilit na lumabag sa batas ay kanselahin ang permit. Sa pagkakataong ito na ang kara- ngalan ng nursing profession ang nakataya dapat na magkaroon ng kamay na bakal para hindi na mandaya.