Charter change sagot sa kahirapan anang Tsinoy businessmen

MAY mga negosyanteng Filipino-Chinese na nadidismaya sa kasalukuyang sistema ng pamahalaan at iginigiit na maisulong ang charter change (cha-cha). Anila, dapat ayusin ang magulong istraktura sa pulitika at ekonomiya ng Pilipinas. Kailangan daw ang masusing reporma sa Saligang Batas para maiahon sa karalitaan ang mamamayang Pilipino. Gusto kong bigyang daan ang pananaw tungkol dito ng Pangulo ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry na si Francis Chua. Sa mga susunod nating kolum, layon nating bigyang-daan din ang mga kasalungat na pananaw para makapagsuri ang taumbayan sa importanteng isyu ngayon na pinagtatalunan sa ating bansa.

Ayon kay Chua, ang walang katapusang pagtatalo ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang kapitalista sa bansa. Ma-rami sa mga foreign investors ang gustong magtatag ng negosyo dito dahil hindi problema ang mangalap ng mga managers at empleyado na kakatulungin nila, ani Chua, isa sa mga respetadong mangangalakal sa Pilipinas. Aniya, marurunong at dalubhasa ang mga Pinoy sa komunikasyon, isang bagay na ikinaangat nila sa ibang lahi kung kaya very attractive ang Pilipinas for foreign investors.

Pero ayaw ng mga dayuhang kapitalista na limitahan ang kanilang partisipasyon sa negosyong itatatag sa bansa dahil nga sa mahigpit ang mga probisyon ng ating Saligang Batas, ani Chua.

Nakakainggit isipin, dagdag niya, na ang mga kapit-bansa tulad ng Malaysia, Singapore at Thailand ay nakakaungos sa Pilipinas dahil bukas-kamay ang kanilang ekonomiya sa pagpasok ng maraming banyagang kapitalista. Samantalang sila’y nag-uunahang imbitahin ang mga negosyante mula sa Europa at Continental America, tayo naman ay kontento na sa ating roller coaster na kalagayan.

Ito ang isang malaking dahilan, ani Chua, kung bakit mataas ang unemployment rate sa bansa dahil walang bagong negosyo ang pumapasok sa bansa upang magtayo ng pabrika, planta at korporasyon na siyang magbibigay ng trabaho at iba pang livelihood opportunities. Tinuligsa ni Chua ang posisyon ng ibang sektor na naniniwala na ang 1987 Saligang Batas ay sapat na upang tugunin ang mga pandaigdig na problema na umaalimbukay sa kasalukuyan. Gusto nilang palabasin na maski patpatin tayo, kaya nating labanan ang mabangis na leon at umaasa pang tatalunin ito sa manu-mano. Ito ang sitwasyon ng Pilipinas ngayon kontra sa pandaigdig na kalakalan. Makikita ang resulta ng paghihigpit na ito ng Saligang Batas sa dami ng pumasok na foreign investments sa kalapit na bansa kumpara sa Pilipinas. Mula noong 1993 hanggang 2002, kumita ang Malaysia ng $37.34 bilyon; $34.94 bilyon ang Singapore at $33.09 billion ang Thailand.

Dahil dito, kulelat ang babagal-bagal na Pinoy na kumita lang ng $15.18 bilyon foreign investments lamang sa loob ng sampung taon, ani Chua. Panahon na, aniya na amyendahan ang Konstitusyon at buksan ang pagpasok ng foreign capital sa larangan ng exploration, development and utilization of natural resources, ownership of industrial lands, ownership of mass media and public utilities.

Sa inyong mga pananaw, email me at alpedroche@philstar.net.ph.

Show comments