Pagmamay-ari ng lupa nang walang titulo

SI Mang Tiago ang orihinal na namusesyon at nagsaka ng lote 379 na may sukat na 187,765 square meters mula sa isang desisyon ng cadastral court noong April 25, 1925. Personal niyang sinaka ang limang ektarya mula 1925 hanggang 1928, habang naninirahan sa pamilya ng kanyang inaanak na si Doro. Subalit nang lumipat na si Mang Tiago sa ibang probinsya, pasalita niya itong nailipat ang kanyang karapatan sa lote 379 kay Doro kalakip ang kopya ng desisyon sa lupa. At dahil 14 na taong gulang pa lamang si Doro, tinulungan siya ng kanyang ama na magsaka, patayuan ng bahay at taniman ng niyog, palay, mais at mga gulay. Hanggang mapangasawa ni Doro si Rosa at magkaroon ng mga anak, sila na ang namusesyon sa lote 379. Sa katunayan, ipinagtibay pa ni Mang Tiago ang paglilipat niya ng karapatan sa lote kay Doro sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang affidavit of quitclaim. At noong 1961, idineklara na ni Doro ang pagbubuwis ng lote 379 sa kanyang pangalan at ipinagpatuloy ang pamumusesyon at pagsasaka nito.

Samantala, natuklasan ni Doro noong 1970 na naipagbili ni Mang Tiago ang nasabing lote sa mag-asawang Nano at Julia noong 1964. At dahil nabigyan din ang mag-asawa ng kopya ng desisyon, muling binuksan ang kaso ng lupa at sa huli ay iginawad ng cadastal court noong September 13, 1965 ang lote sa mag-asawang Nano at Julia kung saan inisyu sa kanilang pangalan ang Orihinal na Sertipiko ng Titulo nito.

Hindi agad naghain ng kaso si Doro laban sa mag- asawa dahil pinayuhan siya na manatili sa pamumusesyon at pagbabayad ng buwis ng lupa. Subalit nang sakahin at taniman ng caretaker nina Nano at Julia ang lupa hanggang sa namatay ang mag-asawa at nailipat ang titulo nito sa kanilang mga anak, napilitan na rin sina Doro at Rosa na maghain ng kasong reconveyance of real property and or quieting of title with damages laban sa mga tagapagmana nina Nano at Julia.

Samantala, iginiit ng mga anak nina Nano at Julia na hindi nagkaroon ng titulo si Doro sa pamamagitan ng donasyon o sapat na panahon upang makamit nito ang karapatan sa lote; na mahina ang pasalitang paglilipat ni Mang Tiago kay Doro ng karapatan sa lupa; na kung sakali mang ipinagkaloob nga ni Mang Tiago ang lote kay Doro noong 1929 o tunay ang 1960 salaysay nito, wala pa ring bisa ang paglilipat na ito dahil kulang ang rekisito ng isang mabisang donasyon. At dahil ang donasyon ay walang bisa, hindi nagkaroon ng pag-aangkin si Doro laban sa lahat, eksklusibo man o sa konsepto ng pagmamay-ari, ang isa sa mahalagang rekisito upang makuha niya ang titulo sa pamamagitan ng preskripsyon. Tama ba ang mga anak nina Nano at Julia?

MALI.
Tatlumpu’t isang taong namusesyon at sinaka ni Doro ang lote 379 nang walang pagtanggi ni Mang Tiago bukod pa ang salaysay ng pagpapaubaya noong 1960. Ang patuloy, bukas at eksklusibong pamumusesyon ni Doro ang nagbigay sa kanya ng karapatan sa titulo ng nasabing lote (Section 48 b, C.A. 141 as amended by RA 1942). Sa pamamagitan ng ganitong pamumusesyon, nakuha ni Doro mula sa operasyon ng batas ang karapatan niya sa isang lupang pangsakahan na bahagi ng lupa na pag-aari ng gobyerno. Ang pagkumpirma sa titulo ni Doro ay higit pa sa isang pormalidad, at ang pagrehistro nito ay para na lamang kilalanin ang titulong matagal na niyang nakamit. Samantala, kulang man sa pagtupad sa rekisito ng mabisang donasyon, sapat na ang matagal na panahon ng pamumusesyon ng pamilya ni Doro sa lote. At dahil nagkaroon ng karapatan si Doro sa lote noong 1959 dahil sa 30 taong pamumusesyon nito, kasabay na nito ang pagkawala ng karapatan ni Mang Tiago sa lupa. Kaya, walang bisa ang pagbibili at ang titulo ng lote sa pangalan ng mag-asawang Nano at Julia (Spouses Rumarate, et.al. vs. Hernandez, et. al. G.R. 168222, April 18, 2006).

Show comments