Ang tanging nakinabang ay ang mga commissioners. Nalunod sila sa luho dahil sa malaking sahod na ibinibigay sa kanila ng gobyerno. Habang malalaki ang kanilang kinikita, marami namang Pilipino ang sagad na sa hirap at nalilipasan ng gutom. At habang marami ang nangangarap na makakuha ng biyaya sa ill-gotten wealth ni dating President Marcos at kanyang cronies, walang ginagawa ang PCGG at may commissioner pang nakikipagsayaw sa biyuda ni Marcos. Kung may makukuha man sa "nakaw na yaman" ng mga Marcoses na nasa Swiss Banks, hindi ang PCGG ang may effort noon. Wala silang ginawa para madaling makuha ang mga nakaw na yaman.
Halos lahat ng mga kasong isinampa laban kay dating First Lady Imelda Marcos ay nadismissed na lahat. Ganyan kagagaling ang mga PCGG lawyers. May isang kaso si Imelda na natalo siya pero hanggang ngayon ay hindi pa naipatitikim sa kanya ang lasa ng parusa. Hindi gumagalaw ang PCGG at tila balewala. At ang masaklap, sa kabila na may kaso si Imelda, napapayagan pa itong magtungo sa ibang bansa. At bukod diyan, maaari pang makatakbo sa eleksiyon. Ano ang masasabi ng PCGG sa nangyayaring ito? Ang kanilang binabantayang mga nakaw na yaman ay hindi na malaman kung nasaan.
Buwagin ang PCGG! Iyan ang pinakamabuting magagawa ng kasalukuyang gobyerno. Wala na rin namang nahihita sa mga commissioners at naaakusahang nakikipagkutsaba sa mga nagnakaw sa bayan. Ano pa ang silbi nila ngayon?
Kaysa magkagulo ang mga Senador sa pagpapaaresto sa mga PCGG commissioners ang mas maganday pag-isipan na lamang nila kung paano ito bubuwagin. Tama na ang 20 taong nasayang. Hindi na dapat dagdagan pa ang pamamalagi ng mga commissioners na ang layunin ay mangumisyon at naghahatid ng konsumisyon sa bansang ito. Buwagin na sila para matahimik ang bansa at nang makatipid.