Si Tolentino ay lisensyadong geodetic engineer. Noong Agosto 30, 2005 pinaberipika niya at pinaaprobahan ang survey plan para sa kanyang kliyenteng si Ismael Moreno sa DENR Reg. 4-B. Ang nag-aproba ay si OIC Lopez pero inalis diumano ang pangalang Ismael Moreno at pinalitan ng "public land". Noong Setyembre 2005, ibinalik ni Tolentino ang sepia copy kay Lopez para mailagay sa pangalan ni Moreno ang survey plan. Tumanggi si Lopez at tinuran diumano ang ilang probisyon ng alituntuning nagsasaad na di puwede ang hinihiling ni Tolentino.
Direktang sumulat si Tolentino sa Reg. Director ng DENR para sabihin ang maling interpretasyon ni Lopez at iginiit na maituwid ang pagkakamali sa plano. Hiningi rin ni Tolentino ang opinyong legal ng Land Management Bureau at DENR legal office na kapwa sumang-ayong nagkamali ng interpretasyon si Lopez. Sa kabila nito, nagmatigas diumano si Lopez na huwag baguhin ang plano kaya itinaas na ni Tolentino ang reklamo sa Civil Service Commission.
Ngunit noong Aug. 23, 2006, sa halip na umaksyon ang CSC, ipinasa muli ng ahensya ang reklamo ni Tolentino sa DENR. Ta-nong ni Tolentino, DENR ang kinukuwestyon sa uusapin, bakit ito ang hihingan ng aksyon?
"Di ba CSC ang takbuhan ng mga naaapi sa mga isinasagawang transaksyon sa pamahalaan?" ani Tolentino. "Alam naman nating ang padrino ng mga nasa regional office ay nasa central office, paano natin maasahang magtatamo tayo ng hustisya?" tanong ni Tolentino.
Mara-ming ganitong situwasyon sa pamahalaan. Kung sino ang inirereklamong ahensya ay siya pang inuutusang umaksyon sa usapin. Dahil diyan, maraming mamamayang may problema sa gobyerno ang napagkakaitan ng katarungan. Sanay mabigyan ng karampatang hustisya ang kasong ito.
Email me at alpedroche@philstar.net.ph