Hindi ko huhusgahan ang mga naturang rape case prosecutors. Pero patototohanan ko na uso sa gobyerno ipatalo ng mga sariling abogado ang mga kaso. Isa itong simpleng paraan pero mahirap patunayang katiwalian.
Maraming kaso, halimbawa, ng PCGG ay natalo sa Sandiganbayan. Itoy dahil hindi pinaghandaan o mali ang mga argumento; kung minsay nalilipasan ng court deadline ang government lawyers. Ang kabuuang resulta: dismissed ang kaso laban sa mga Marcoses at cronies.
Ito na naman ang nangyayari sa Piatco contract, na pinawalam-bisa ng Korte Suprema nung 2003. Sa bisa ng desisyon ng Korte, dapat hiningi ng gobyerno sa Pasay regional trial court na palayasin sa NAIA complex ang Piatco. Kapag nagawa na ito, ire-reimburse na lang ng gobyerno ang mga nagasta ng Piatco sa pagtayo ng NAIA-3, pero hindi kasama ang pinangsuhol sa mga opisyales ng tatlong administrasyon.
Pero hindi, ang ginawang habla ng state lawyers ay expropriation. Ginagawa lang ang expropriation kapag nadaanan ang pribadong lupa ng public works (kalsada, pier, airport, etc.), at kailangang bayaran ang may-ari ng just compensation o makatarungang halaga. Sa kaso ng Piatco, gobyerno na mismo (Bases Conversion Development Authority) ang may-ari ng lupang kinatayuan ng NAIA-3, kaya hindi na ito puwedeng i-expropriate. Dahil mali ang kaso, nakanal ang gobyerno sa obligasyong magbayad ng just compensation. At inutos ng Pasay court nito lang na bigyan ang Piatco ng P3-bilyon down payment para sa perhuwisyong sinapit nito. Kasunod na sigurado ang utos na bayaran ang kabuuang P30 bilyong hinihingi ng Piatco miski low quality ang ginawa nitong trabaho.
Ang masaklap sa lahat, over-ganado ang mga opisyales-gobyerno na bayaran ang Piatco ng paunang P3 bilyon. Tila ba may parte sila.