Panaginip

Minsa’y nakita kong ako’y naglalakad -—

Sa isang pasilyong may hagdang pataas

Sa pasilyong iyon ay may pintong bukas

Kaya pinasok ko’t ako’y nakimatyag!

Pinasok na k’warto ay silid-aralan

Ang mga naroo’y pawang mag-aaral;

Sa unahang silya’y aking napagmasdan

Ang magandang mukha ng mutyang marangal!

Pagkatapos noon ay aking nakita

Ang maayang mukha ng isang dalaga;

Siya ay maputi’t magandang-maganda

Kaya ang puso ko’y pumitlag, sumigla!

At kitang-kita ko ang mutya’y lumapit

Na sa isang kamay may dalang kamatis;

Masarap na bunga ay kanyang niligis -—

Sa mga labi kong nag-amoy matamis!

Pangatlong eksena ay aking napansin

Ang magandang dilag lumapit sa akin;

Nang siya’y malapit ako’y napatikhim

Sa lakas ng tikhim ko ay nagising!

Tatlong pangitai’y panaginip pala

At ang mukhang yao’y sa aking asawa;

Kaya sa nangyari ako ay nagtaka

Bakit nanaginip ng napakaganda?

Ah seguro’y kaya gayun ang nangyari

Si Misis lagi nang sa ‘ki’y nakangiti;

Kapag kumakain —- natutulog kami

Ang mukha ni Misis ang laging katabi!

Kaya nga totoo yaong haka-haka

Na ang panaginip kung gabing mahaba;

Ang huling nakita bago ka nahiga

Ay makikita mo sa iyong gunita!

At ang panaginip -— totoo ma’t hindi

Ay kakambal pa rin ng taong may budhi;

Kung ikaw ay taong walang minimithi

Walang panaginp na biglang sasagi!

Show comments