Binigyan ng taning na 10-buwan ang Melo Commission para lutasin ang mga pagpatay. Sinabi ni retired Supreme Court justice Jose Melo na walang "sacred cows" sa gagawing imbestigasyon. Mananagot sa batas ang mga mapapatunayan.
Ang mga pagpatay sa mga aktibista ay nagpapatuloy at iisa ang estilo sa mga pagpatay. Mayroong mga dinudukot at hindi na natatagpuan, katulad ng dalawang babaing UP students na dinukot sa Bulacan noong June. Ang walang tigil na pagpatay at pagdukot ay nakapagbigay ng pangamba sapagkat tila wala nang kontrol ang pamahalaan sa mga nangyayari.
Sabi ng leftists group, 700 miyembro na nila ang pinatay mula nang maupo si President Arroyo no-ong 2001. Sa report ng Amnesty International, 51 activists ang pinatay mula January hanggang June 2006.
Ayon sa leftists group, mga sundalo ang may kagagawan ng pagpatay. Marami ang umaasa sa Melo Commission na mabibigyan ng hustisya ang mga napatay nilang kamag-anak. Marami ang naniniwalang hindi lalambot ang Melo Commission sa pag-iimbestiga sa mga pagpatay. Mabibigyan ng hustisya ang mga tumimbuwang sa talahiban, damuhan at tabing kalsada na nabutas ang noo at napulbos ang dibdib sa bala.